Isang lalaki na sinasabing matinik na holdaper na palaging nakakatakas sa tuwing inaaresto ng mga pulis ang tinadtad ng bala ng limang hindi pa nakikilalang suspek sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.

Dahil sa mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan, agad namatay si Albert Tabora, alyas “Pogi,” 30, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang, ng No. 2942 Park Ave., Barangay 79, Pasay.

Ayon kay SPO1 Giovannie Arcinue, may hawak sa kaso, dakong 9:45 ng gabi, nakatayo si Tabora sa kahabaan ng Mahogany Street, Bgy. 145, Santo Niño nang malapitan siyang pinagbabaril ng dalawa sa mga suspek.

Nang bumulagta, pinagtutulungang barilin ng limang suspek, pawang nakasuot ng face mask, ang walang kalaban-labang si Tabora.

National

Mga nagpakalat ng fake news tungkol sa 'petisyon,' lagot sa Korte Suprema!

Matapos patayin ang biktima, sabay-sabay nagsitakas ang mga suspek na parang walang nangyari, base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera.

Ayon kay Arcinue, sangkot ang biktima sa ilang robbery-holdup incident sa Pasay City, partikular na sa EDSA-Buendia.

“Hindi mahuli ng pulis ‘yan dahil sobrang madulas, parang palos,” ani Arcinue.

Gayunman, nitong nakaraang buwan, personal umanong sumuko si Tabora sa City Police headquarters.

“Nagmamakaawa siya sa amin dahil gusto niya na magpakulong. Hindi naman namin makulong dahil wala namang complainant,” ayon kay SPO1 Joel Landicho.

“Tinanong namin kung may banta ba sa buhay niya, wala naman daw. Basta gusto niya lang magpakulong,” dagdag ni Landicho. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)