Patay ang isang Quezon City cop na naka-absent without leave (AWOL), sinasabing protektor ng ilegal na droga, hitman at suspek sa pagpatay sa isang matanda na kanyang nakaalitan sa isang bar, makaraang pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang suspek sa Port Area, Maynila kamakalawa.
Agad nasawi si PO1 Jay Paguinto, 37, dating nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD)-Station 3, at residente ng No. 007, Block 9, Old Site, Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Ayon kay SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 5:15 ng hapon kamakalawa sa tapat ng bahay ng biktima, galit umanong nakikipag-usap sa telepono si Paguinto.
Nagulat na lamang ang ilang residente sa lugar nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kanila umanong silipin ay nakitang duguang nakahandusay ang biktima.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Emerey Abating, station commander ng MPD-Station 5, lumilitaw na si Paguinto ay protektor ng illegal drug trade.
Nagsisilbi rin umano itong hitman ng isang drug lord sa kanilang lugar na kilala sa alyas na “Kagawad”.
Si Paguinto rin ang itinuturong suspek sa pagpatay kay Julito Ramos, 68, na kanyang nakaaway sa isang bar sa Quezon City.
Tinangay umano ni Paguinto si Ramos matapos bugbugin at saka pinatay at itinapon sa gilid ng Manila North Cemetery.
Ayon sa mga pulis, posibleng paghihiganti at may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay kay Paguinto.
(MARY ANN SANTIAGO)