Sa pagsasabing hindi masamang sumubok, inihayag ni Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo kahapon na tinanggap niya ang dinner o hapunan na ipinag-imbita sa kanya ni Pangulong Duterte, para sa kapakanan ng bansa.

“Even how hard it is, we would try all avenues for us to find peace for our country,” sabi ni Robredo, dating miyembro ng Duterte Cabinet, sa interbyu ng dzMM.

Nagkasama at nagtabi sa upuan ang dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa noong nakaraang linggo nang dumalo sila sa graduation rites ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite.

Pangalawa pa lamang nilang pagkikita ito sa pampublikong okasyon simula nang magbitiw si Robredo sa Gabinete noong Disyembre.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Pagkatapos ng 38th PNPA commencement exercises, binalikan ng Bise Presidente ang usapan nila ng Chief Executive na nag-imbita sa kanya at sa kanyang pamilya ng “friendly” dinner.

Paalis na siya sa event, sinabi ni Robredo na tinanong siya ng Pangulo ng: “Why don’t we have dinner? Bring your children. I will bring my family.”

Sumagot ang dating housing chief na tinatanggap niya ang paanyaya ni Duterte, at sinabihan ito at ang Special Assistant Secretary na si Christopher “Bong” Go na tawagan lamang siya kung kailan ang dinner.

Inamin ni Robredo na nagulat siya sa imbitasyon ni Duterte. Napapaisip din siya sa intensiyon ng Pangulo at ikinokonsidera ang sinabi ni Senator Antonio Trillanes IV at ng kanyang mga tagasuporta na maaaring isa itong "trap" o patibong.

“I think their fears have basis because of the many things that happened before this. I'm aware of the concerns of many,” aniya.

Gayunpaman, naniniwala ang Bise Presidente na iyon ay mas pag-aabot ng kamay sa bahagi ni Duterte.

Binigyang-diin ni Robredo na siya at si Duterte ay parehong binigyan ng mandato para maglingkod sa bansa at mayroon silang "obligation to find common ground" kahit hindi sila nagkakasundo sa ilang usapin. (Raymund F. Antonio)