HONG KONG (AFP) – Nangako ang bagong lider ng Hong Kong na si Carrie Lam nitong Linggo na paghihilumin ang pagkakawatak-watak sa pulitika matapos magwagi sa botohan na binansagang pagkukunwari ng mga democracy activist na nangangambang mawawala na ang itinatanging kalayaan ng lungsod.
Ang dating career civil servant ang piniling susunod na chief executive ng semi-autonomous city ng komite na karamiha’y pro-China. Itinuturing siya ng marami na paboritong kandidato ng Beijing.
Ito ang unang botohan simula ng malawakang rally ng “Umbrella Movement” noong 2014 na nanawagan ng lubos na kalayaan sa halalan ngunit nabigong matamo ang mga reporma.
Ibinalik ng Britain ang Hong Kong sa China noong 1997 sa ilalim ng “one country, two systems” formula na dinisenyo para protektahan ang kalayaan at paraan ng pamumuhay nito. Ngunit makalipas ang 20 taon, tumitindi ang mga pangamba na sinisira ng Beijing ang kasunduan.
Sinabi ng mga kritiko na palalalimin ni Lam ang pagkakawatak-watak ngunit iginiit niya na nais niyang pagkaisahin ang Hong Kong. “My priority will be to heal the divide,” aniya.
Nangako si Lam na pagtitibayin ang kasarinlan ng Hong Kong at poprotektahan ang core values nito, kabilang na ang kalayaan sa pamamahayag at malayang hudikatura.