Mainit-init na P4.9 milyon cash ang tinanggap ng apat na impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency-Operation:
Private Eye (PDEA-OPE) bilang gantimpala sa pagtulong ng mga ito upang matunton at tuluyang mahuli ang mga drug personalities.
Ayon kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña, dahil kina “Jacpat”, “Clanbuster”, “Barbarian” at “Alaping” ay matagumpay na naaresto ang local at foreign drug personalities.
Dahil din sa kanila, aniya, nakumpiska ang milyong pisong halaga ng shabu at nabuwag ang ilang laboratoryo ng ilegal na droga.
Si Jacpat ang tumanggap ng pinakamalaking gantimpala na tumataginting na P2,000,000. Dahil sa kanya ay naaresto ang dalawang Chinese na nakumpiskahan ng 35.918 kilo ng shabu noong Enero 12, 2016.
Bukod pa ito sa P637,172.31 na dahil naman sa pagkakasamsam sa 19.8983 kilo ng shabu sa entrapment operation sa Fairview, Quezon City noong Setyembre 30, 2015.
Habang P2,000,000 naman ang tinanggap ni Clanbuster. Dahil sa kanya ay naaresto ang tatlong Chinese at nabuwag ang medium-scale clandestine shabu laboratory sa Ayala Alabang, Muntinlupa City noong Mayo 4, 2016.
Tumanggap naman si Barbarian ng P297,564.64 dahil sa pagkakaaresto sa dalawang drug personalities na nakuhanan ng 4.9768 kilo ng shabu sa Masangkay Street, Binondo, Maynila noong Oktubre 26, 2016.
Habang P42,394.64 ang tinanggap ni Alaping dahil sa pagkakakumpiska sa 35.3 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na ikinaaresto ng isang drug personality sa Bgy. Alilem Daya, Alilem, Ilocos Sur noong Disyembre 24, 2016. (Jun Fabon)