Tadtad ng saksak sa katawan at naliligo sa sariling dugo ang isang ginang nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Wala nang buhay nang datnan ng mga pulis si Annalie Aiza, 45 ng Karisma Village, Barangay Panghulo ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa katawan.

Itinuturong pangunahing suspek sa krimen si Edwin Chavenia, 49, mister ni Aiza, na tumakas matapos magbigay ng pahayag sa mga pulis.

Ayon kay Chavenia, bandang 1:00 ng madaling araw, umuwi siyang lasing at natulog sa tabi ni Aiza.

MRT-3 GM Bongon, sinibak sa puwesto dahil sa nagkaaberyang escalator

Kinabukasan, dakong 9:00 ng umaga, nagulat na lamang umano si Chavenia nang magising na duguan at wala nang buhay ang kanyang misis.

Sinabi pa ni Chavenia na posibleng mga magnanakaw na nanloob sa kanila ang may kagagawan ng krimen.

Ngunit naging kaduda-duda, ayon sa mga pulis, ang pahayag ni Chavenia sa paglutang ng isang saksi na mas piniling ‘wag siyang pangalanan.

Ayon sa saksi, dakong 7:00 ng umaga ay nakita pa niya si Aiza na naglalakad pauwi at may dalang plastic bag na taliwas sa ipinahayag ni Chavenia na bandang 9:00 ng umaga ay nagising siyang bangkay na ang katabi.

Nakita rin umano ng saksi na punong-puno ng dugo ang t-shirt ni Chavenia. (Orly L. Barcala)