Drug personality o isang kaso ng mistaken identity?
Pinatay ng riding-in-tandem ang isang 63-anyos na lalaki na katatapos lamang mag-grocery kasama ang kanyang 7 taong gulang niyang apo sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktima na si William San Jose, ng Sykason Bldg., Decena Street, Barangay 94. Dalawang tama ng bala ng baril sa likod ng ulo ang kanyang ikinamatay.
Ayon kay PO2 Elvin Olmedillo, may hawak ng kaso, kasama ni San Jose ang kanyang apo nang siya’y mamili sa Puregold Libertad branch.
Dakong 7:25 ng gabi, naglalakad na pauwi si San Jose at kanyang apo at pagsapit sa Arnaiz Avenue corner Taft Avenue, Decena Street, sinundan na sila ng isa sa mga suspek.
Makalipas ang ilang sandali, nabitiwan ni San Jose ang mga pinamili at kamay ng kanyang apo nang barilin siya sa likod ng armadong suspek.
Kumaripas palayo ang armado at sumakay sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat. Pagkasakay na pagkasakay ay pinaharurot ng driver ang motorsiklo patungong Gil Puyat Avenue, Makati.
Ayon sa mga saksi, walang plate number ang motorsiklo ng mga suspek na kapwa nakasuot ng face mask.
Ayon kay Olmedillo, aalamin pa nila sa barangay kung kabilang si San Jose sa drug watch list.
(Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)