NAKATAKDANG ipagdiwang bukas, Marso 29, ang ika-117 anibersaryo ng Binangonan, Rizal. Ang pagdiriwang ay pangungunahan ni Binangonan Mayor Engr. Cesar Ynares, ng mga miyembro ng Sanggunian Bayan, mga empleyado ng munisipyo at mga opisyal ng barangay. Ang pagdiriwang ng ika-117 anibersaryo ng Binangonan ay inihudyat na ng masayang parangal at koronasyon sa napiling Binalayan Gay Queen na idinaos sa Ynares Plaza nitong ika-25 ng Marso.
Sa ganap na 6:00 umaga ng Marso 29, idaraos ang Misa ng Pasasalamat sa simbahan ng Parokya ni Sta. Ursula na susundan ng isang masaya at makulay na parade na magsisimula sa harap ng simbahan. Kalahok sa parada sina Mayor Cesar Ynares, mga miyembro ng Sanggunian Bayan, mga mag-aaral at estudyante, mga opisyal ng barangay, mga municipal employee, Binangonan PNP, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), mga tauhan ng Tanggapan ng Turismo, iba’t ibang civic at religious organization, non-government organization (NGOs), at mga business establishment sa Binangonan.
Susundan ito ng isang simpleng programa at bibigyang pagkakataon si Binangonan Mayor Cesar Ynares na magbigay ng mensahe gayundin ang mga inanyayahang mga panauhin. Sa gabi ng Marso 29, tampok naman ang singing trio contest sa Ynares Plaza.
Ang Binangonan ay isa sa mga bayan sa dakong silangan ng Rizal. Nasa pagitan ng bundok at Laguna de Bay.
Pinakamalaking bayan sa lalawigan ng Rizal at binubuo ng 41 barangay, kabilang ang 19 na barangay na nasa Talim Island na nasa gitna ng Laguna de Bay.
Sa pagsisikap, talino at mahusay na pamamahala ng mga namuno sa Binangonan tulad nina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr., Congressman Bibit Duavit, Mayor Boyet Ynares at suporta nina Rizal Gov. Nini Ynares at Rizal Rep. Micahel Jack Duavit, kasabay ng pag-unlad ng Binangonan, abot-kamay na ang pagtulong at kaunlaran ng Talim Island.
Ipinagpapatuloy ni Mayor Cesar Ynares at sa tulong pa rin nina Gov. Nini Ynares at Rizal Rep. Michael Jack Duavit.
Ang Binangonan, ayon sa kasaysayan, ay kilala sa tawag na Visita de Morong. Naging isang malayang parokya noong 1621 at naging bayan noong 1737. Ang simbahan ng Binangonan ay sinimulang itayo ng mga misyonerong paring Franciscano noong 1792 at natapos noong 1800. Mula noon hanggang ngayon, ang... simbahan ay naging pook-dalanginan ng mga taga-Binangonan na may loob at matapat na pananalig sa Poong Maykapal. Ang patroness ng Binangonan ay si Sta. Ursula na ang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing ika-21 ng Oktubre.
Naging isang munisipalidad ang Binangonan noong Marso 29, 1900 sa pamamagitan ng EO No. 40 sa ilalim ng rehimen ng mga Amerikano.
Ang salitang Binangonan ay pinaniniwalaang nagmula sa mga katagang “lugar na Binangunan ng Bayan” at sa “Bumangong kaluluwa” nina Rodrigo, isang sundalong Kastila at Prinsesa Maleya, anak ni Raha Matikiw. (Clemen Bautista)