Nakatakdang sampahan ng kaso ang isang babaeng pulis na sinasabing bumaril sa mister ng dati niyang kasintahan, nitong Lunes ng umaga.
Kasalukuyang tinutugis ng Quezon City Police District (QCPD) si Police Officer 1 Wealyn Malaya Ojastro, nakatalaga sa Novaliches Police Station, dahil sa umano’y pamamaril kay Mark Kevin Tumbaga, 33, sa kanyang bahay sa Naval Street, Barangay Sauyo, Novaliches.
Ayon kay Tumbaga, kasalukuyang naka-confine sa Bernardino General Hospital dahil sa tama ng bala sa hita, binaril siya ni Ojastro.
Aniya, nagkaroon ng relasyon si Ojastro ang kanyang misis na si Glaiza. Patuloy na sinusundan at kinukulit ni Ojastro ang kanyang asawa kahit na kinumpronta na niya ito kamakailan, dagdag ni Tumbaga.
Nitong Lunes, bandang 1:00 ng magdaling araw, nagising umano ang mag-asawa dahil sa pagwawala ni Ojastro na naiulat na nagpumilit pumasok sa bahay ng mga biktima.
Ayon pa kay Tumbaga, armado si Ojastro nang pagbuksan niya ito ng pinto. Ngunit bago niya isara ang pinto at magtago, nagawa umanong makuha ni Ojastro ang isang piraso ng bubog mula sa basag na bintana at sinugatan ang mukha ni Tumbaga.
Sinubukan umanong pakalmahin ni Glaiza ang suspek at tinulungan ang kanyang mister na magpunta sa ospital.
Gayunman, ayon sa pulis, mas lalo umanong naging bayolente si Ojastro at nagawang tadyakan si Glaiza at barilin si Tumbaga sa kanang hita bago tuluyang tumakas. (Vanne Elaine P. Terrazola)