Nakabigti at wala nang pulso nang madiskubre ang isang ginang sa loob ng kanyang kuwarto sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Katherine Santos, 39, dalaga, ng Mindoro Street, Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Joy Alcoriza kay Police Supt. Aquino Bolivar, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 4, dakong 10:45 ng gabi kamakalawa nadiskubre ni Kathrina, kapatid ng biktima, ang bangkay.
Pumasok umano si Kathrina sa kuwarto ni Katherine at bumulaga sa kanya ang nakabigting kapatid.
Agad umanong humingi ng tulong sa mga barangay officials si Kathrina, gayundin sa mga tauhan ng SIBAMA-Police Community Precinct (PCP).
Tumanggi ang pamilya ng biktima na imbestigahan ang insidente sa paniwalang walang foul play na naganap.
(Mary Ann Santiago)