Bilang bahagi ng kanyang adhikain na mailayo sa droga at masasamang bisyo ang mga kabataan, maglulunsad si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ng unang summer sports clinic sa lungsod para sa mga batang edad 6 hanggang 16.
Ayon kay Estrada, naisip niya ang skills training program na ito para itaguyod ang sports sa mga kabataan na aniya ay mas marami pang inuubos na oras sa social media at internet kesa sa mga makabuluhang mga gawain tulad ng outdoor activities.
“Dapat ay i-enrol ng mga magulang ang kanilang mga anak sa ating summer camp kung saan may libreng training sa basketball,volleyball, at swimming.
Magandang pagkakataon na rin ito upang ilayo sila sa social media at masasamang bisyo tulad ng droga at alak habang nakabakasyon sila,”ani Estrada.
Base sa mga pag-aaral,umuubos ng halos 27 oras kada linggo ang mga kabataan ngayon sa internet at sa paglalaro ng online games, na ayon kay Estrada ay may epekto sa kanilang kalusugan.
Dahil bakasyon sa eskuwelahan ngayong summer, exposed din aniya ang mga kabataan sa masasamang bisyo tulad ng alak, sigarilyo at maging sa droga dahil sa posibleng impluwensya ng barkada at social media. (Mary Ann Santiago)