SUMUKO si David Lim, Jr., kasama ang kanyang ina at abogado, sa opisina ni Central Visayas regional director Chief Supt. Noli Taliño, bandang 2:00 ng madaling araw nitong Martes. Si Lim ang nakilalang driver ng Mercedes Benz na bumaril at nakasugat sa nurse na si Ephraim Nuñal dahil sa alitan sa trapiko.
Ang pagsuko ni Lim ay lihim na ginanap sa tulong ng top-aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Bong Co. Maging si City Police Chief Senior Supt. Joel Doria ng Mabolo police station ay hindi alam ang pagsukong ito ni Lim.
Kung ang proseso ang masusunod, aniya, dapat ay sa city police stockade o Mabolo police station ikulong si Lim dahil ito ang may hurisdiksiyon sa lugar na pinangyarihan ng krimen at nag-iimbestiga ng kaso.
Ngunit, pansamantala siyang ikinulong sa Philippine National Police-Regional Intelligence Division (PNP-RID) sa Camp Sergio Osmeña na headquarters ng Provincial Regional Office sa Central Visayas (PRO 7). Nag-text si Chief Supt. Taliño kay Sec. Co at ipinaalam niya na sumuko na si Lim. “Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ko sa RID hanggang sa masampa ang kaso sa korte,” sabi niya. Si Sec. Co ay nasa Thailand noon kasama ang Pangulo.
Normal lang na humingi ng tulong ang ina ni Lim kay Sec. Co para mapabilis ang kanyang pagsuko, ayon kay PNP Chief Ronald dela Rosa. Kaya, normal din ang ginawang pakikialam ni Sec. Co. Kung ito raw ay special treatment, special tratment ito na nakatulong sa pulis dahil sa siya ay sumuko. Iyong, aniyang, maigting na operasyon laban sa kanya ang nagbunsod sa kanyang gawin ito. Sa kasalukuyan, sa ilalim ng inyong pamamahala, hindi ito normal Chief Dela Rosa.
Natatandaan ba ninyo iyong limang kabataang niratrat ng inyong mga pulis sa loob ng bahay na kalapit lamang ng bahay ng talagang target nila sa Caloocan? “Mahirap lang kasi... kami,” humahagulgol na sigaw ng ina ng isa sa mga biktima.
Si Lim ay anak ng isa sa pinakamayamang pamilya sa Cebu. Pamangkin siya ni businessman Peter Lim na pinangalanan ng Pangulo na druglord. Ang limang batang pinaslang sa loob ng bahay na ang isa nga rito ay matinding iniyakan ng ina ay nasa isa sa mga pinakamahirap na lugar. Hindi ba dapat kung paano trinato ng pulis si Lim ay ganito rin ang ginawa sa limang bata? (Ric Valmonte)