Naungkat na alitan ang sinasabing dahilan ng pamamaril ng isang barangay kagawad sa isang lalaki sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital si Antonio Langcay, 49, ng A-1 Maginoo Street, Tondo, matapos barilin sa tiyan ni Dan Aliman, barangay kagawad ng Barangay 105, Zone 8, at residente ng Happy Land, Tondo.
Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 8:50 ng gabi nangyari ang pamamaril sa Lopez Jaena St., Tondo.
Base sa imbestigasyon, naglalakad pauwi si Langcay kasama ang kanyang anak at pagsapit nila sa naturang lugar, bigla na lang silang nilapitan ni Aliman, na may kasamang dalawang ‘di pa nakikilalang lalaki, at pinaputukan ang biktima sa tiyan.
Kumaripas palayo sa lugar ang mga suspek habang isinugod sa ospital ang biktima upang malunasan.
Nabatid na dati na umanong may alitan sina Langcay at Aliman na posible umanong motibo sa pamamaril.
(Mary Ann Santiago)