SA ayaw at sa gusto natin, tag-init (o tag-araw) na naman. At sa ayaw at sa gusto natin, tiyak tatagaktak ang pawis natin dahil sa matinding init. Umalis na si amihan at pinalitan ng hanging ewan ko kung ano ang pangalan nito tuwing tag-araw. Siyempre kapag mainit, nais nating pawiin ito kaya gumagamit tayo ng bentilador (electric fan) o ng air-con. Samakatuwid, garantisadong lalaki ang konsumo sa elektrisidad bilang kapalit ng ginhawa na makukuha mula sa bentilador at air-con.
Hinggil sa nakatakdang pagtataas ng electricity rate para sa buwang ito (Marso), sinabi ng Meralco na good news pa rin daw para sa mga consumer bagamat nakaamba ang pagtaas bunsod ng Malampaya Shutdown. Hindi naman pala magiging P1.44 per kwh ang itataas kundi P0.66 lamang. Inaprubahan pala ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang petisyon ng Meralco na ma-stagger ang incremental fuel cost sa loob ng tatlong buwan upang hindi mahirapan ang consumers.
Ipinaliwanag na ang rate increase ngayong Marso ay dahil sa pagkilos pataas ng generation charge sanhi ng 20-araw ng Malampaya Shutdown Maintenance mula Enero 28-Pebrero 16, 2017. Ang pagtigil ng Malampaya ay nakaapekto sa natural gas supply sa Ilijan, Sta. Rita at San Lorenzo plants na nagsu-supply ng 2,565 MW sa Meralco franchise area.
Sa pagtigil ng operasyon ng Malampaya, napilitan ang mga planta na mag-switch mula sa natural gas tungo sa mas mahal na liquid fuel upang patuloy na makapag-supply ng enerhiya sa grid. Nasabay pa ang pagtigil o shutdown sa naka-iskedyul na maintenance ng iba pang power plants, gaya ng EM-Calaca Power Corp. Unit 1; Quezon Power (Phils.), Ltd., at ng isang bloke ng Ilijan Power plant na sama-samang nag-aambag ng 1,185 MW ng pangangailangan ng Meralco.
Mula Marso hanggang Mayo, ang petisyon ng Meralco na ma-stagger ang liquid fuel cost ay inayunan ng ERC nakatulong ito sa bayarin ng consumers bunsod ng epekto ng Malampaya shutdown. Ang magandang balita, ayon sa Meralco, ay nanatiling normal ang power sitwasyon nang tumigil ang operasyon ng Malampaya sa loob ng 20 araw kaya bumaba ang spot prices kaysa inaasahan sa pagtatapos ng 2016.
Walang duda, marami ang naiinis sa Meralco dahil lagi raw itong nagtataas ng singil sa kuryente. Kapag sila’y naliwanagan naman, naiintindihan nila ang pangyayari. Dahil tag-init ngayon... at hindi tayo makaiiwas sa init kahit magprotesta tayo at magmura sa galit (tulad ni PDu30), may payo ang Meralco: 1. Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga appliances ‘pag hindi ginagamit, 2. Gumamit ng power board na makapagsu-supply ng kuryente sa iba pang appliances at hayaan ang isang user upang “patayin” silang lahat sa paggamit ng isang switch, at 3. Hanggat maaari ay gumamit ng natural light o sikat ng araw kapag daytime at alagaan ang appliances upang hindi malakas sa kuryente.
Sinabi ng isang kaibigang journalist na ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa. Pero, mukha raw walang demokrasya sa Kamara sa pamumuno nina Speaker Bebot Alvarez at Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas. Puwersahan nilang pinaboboto ng “Yes” ang mga kaalyado sa Super Majority, kabilang ang deputy speaker at mga chairman ng komite, sa panukalang parusang kamatayan (death penalty bill). Sila ay tatanggalin kapag hindi sumunod. (Bert de Guzman)