MATAGAL mag-research o magsaliksik si Botong Francisco. Karaniwan itong umaabot ng isang buwan. Madalas niyang sabihin kay Ka Enteng Reyes at sa iba pang mga pintor na kailangang alam mo ang iyong gagawin at hindi ka kailangang manghula sa iyong paksa sapagkat kung sigurado ka na sa iyong ipipinta at alam mo ang lahat ng bagay, ang damdamin mo ang mangingibabaw sa iyong likhang-sining.

Walang itinakdang araw si Botong Francisco kung kailan niya tatapusin ang Via Cucis na matatagpuan sa chapel ng FEU.

Ang damdamin ni Francisco ay nakatuon sa Diyos at sa tao. Sabi pa ni Ka Enteng Reyes, hindi sinasabi ni Francisco ang presyo ng kanyang mga religious painting. Ang mahalaga sa kanya ay mailarawan ang buhay at sakit na naranasan ng ating Panginoon.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May lakas ka dahil kasama mo si Kristo

Ayon naman kay Orville Tiamson, isa sa mga batang pintor sa Angono, ang mga likhang-sining ni Francisco ay talagang may sariling kakayahan. Maaaring sabihin ng mga bagong pintor na madaling parisan ngunit maparisan man ay mahirap mapantayan.

Sa mga likhang-sining ni Francisco, lalo na ang mga religious painting, mababakas ang malalimang pag-aaral.

Napatunayan at nakita ni Orvile Tiamson ang pag-aaral na ginawa ng National Artist sa kanyang mga religious painting at iba pang likhang-sining. Mula sa pinakasimpleng sketch, water color hanggang sa miyural ay talaang makikita ang pagiging henyo ni Francisco.

Bukod sa Via Crucis sa FEU chapel at sa Don Bosco sa Mandaluyong City, may miyural din si Francisco sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City. Ginawa niya ito noong 1950 at ito ay tungkol sa buhay ni Saint Dominic, ang nagtatag ng kongregasyon ng mga paring Dominican.

May iginuhit din si Francisco na “Muling Pagkabuhay ni Kristo” at ito ay nasa pag-iingat ng kamag-anak ni Francisco Bautista sa Angono, Rizal, dating public school superintendent. Ang nasabing painting ay nasa bandila... na isinasama sa prusisyon tuwing pista ng Sto. Rosario tuwing ika-7 ng Oktubre.

Namatay si Francisco noong Marso 31, 1969, Lunes Santo. Biglaan ang kanyang pagkamatay. Sa pagkamatay ni Francisco, hindi na niya natupad ang pagganap bilang isa sa labindalawang Apostoles ni Kristo tuwing Semana Santa sa Angono.

Siya ang gumaganap bilang Sto. Tomas. Simbigat ng bundok ang pagkamatay ni Francisco, lalo na sa kanyang mga kababayan, sapagkat isa siyang malaking kawalan sa sining.

Tunay na isang malaking kawalan sa daigdig ng sining si Francisco. Ngunit nagbalik man siya sa kanyang Manlilikha, ang kanyang mga likhang-sining ay isa nang bantayog sa habang panahon. At sa kanyang mga religious painting, ang diwa ng Kuwaresma ay parang pusong patuloy na madarama ang tibok ng mga nagbi-via crucis. (Clemen Bautista)