SUMIPOT na sa Office of the Ombudsman sina Maria Belen Daa, Marilyn Malimban at Lydia Gabo at isinumite ang kani-kanilang sinumpaang salaysay upang suportahan ang demandang isinampa ni Efren Morillo laban sa mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Payatas.

Si Morillo, tindero ng gulay, ay nabuhay sa pagsalakay ng mga pulis sa kanilang lugar. Pero, ang anak ni Daa na si Marcelo, Jr., anak ni Gabo na si Rhaffy at ang live-in partner ni Malimban na si Jessie Cule, kasama si Anthony Commendo ay malapitang pinagbabaril ng mga pulis sa harap ng bahay ni Daa. Nasawi ang tatlo, pero nagawang gumapang at magtago si Commendo kahit may tama ng bala sa dibdib. Sa takot, hindi na nagreklamo ang mga kamag-anak ni Commendo. Sina Marcelo, Jr., Rhaffy, Cule at Commendo ay pawang garbage collector.

Gayunman, nagawang humarap nina Daa, Malimban at Gabo sa Ombudsman pagkatapos ibigay ang writ of amparo na kanilang hiniling sa Korte Suprema at bigyan sila nito ng protection order. Ginawang permanente ang protection order na ito ng Court of Appeals. Pero, patuloy pa rin silang nakakatanggap ng mga pagbabanta. Minsan, dalawang bangkay ang tinapon malapit sa bahay ni Daa.

Ayon sa mga nagreklamo, nabalitaan nila sa kanilang kapitbahay na ang pagpatay ay nangyari malapit sa bahay ni Daa sa ganap na 3:30 ng hapon. Habang si Morillo at mga biktima ay naglalaro ng poll, dumating ang mga tauhan ng QCPD at sila’y inaresto. Pilit na ipinaaamin sa kanila ng mga pulis na kanila ang shabung nasa plastic sachet.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Batay sa autopsy reports, ... ang apat ay binaril nang malapitan habang sila ay nakaluhod o nakahiga. Pinabubulaanan nito ang deklarasyon ng mga tauhan ng QCPD pulis na napatay ang mga biktima dahil sila ay nanlaban.

Nagsimula nang lumaban ang mga api. Kung inilagay ng mga alagad ng batas ang batas sa kanilang kamay na ikinasawi ng mga biktima, ginagamit naman ngayon ng kanilang mga naulila ang proseso ng batas sa paghingi ng katarungan para sa kanilang pagkamatay.

Talagang sa lipunan natin, ang batas ay proteksiyon ng mga walang kaya. Pero kapag nabaligtad naman ang sitwasyon at ang mga pulis o makapangyarihan ang inapi, sa batas na hindi nila iginalang noong una ay dito sila sasandig para sa kanilang proteksiyon. (Ric Valmonte)