VILMA copy copy

MAY mga kasamahan sa Kongreso si Batangas 6th District Rep. Vilma Santos-Recto na nalungkot at nanghinayang sa pagkakaalis sa committee na hawak niya. Kahit ilang buwan pa lang daw kasing hawak ni Ate Vi ay substantial na ang kanyang nagawa bilang committee chairman ng Civil Service and Professional Regulation.

Pero wala rin namang nagawa si Ate Vi at ang mga kasamahan niya dahil isa nga siya sa bumoto ng “no” sa panunumbalik ng death penalty.

Madiing banggit ni Cong. Vi, hindi niya pinagsisisihan ang prinsipyong pinanindigan niya.

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Kuwento ni Ate Vi nang makausap namin kamakalawa, bago pa man siya tinanggal sa pagiging committee chairman ay naihanda na niya ang sarili at tanggap na niya agad iyon. Dahil ang naging desisyon daw niya sa naturang panukala ay base sa isinagawa niyang survey sa mga nasasakupan niya at kasama na rin ang personal niyang desisyon na huwag sumang ayon sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Alam niyang aalisan siya ng chairmanship dahil sa pagboto niya ng “no”. Kaya hindi na niya ikinagulat ang pagtanggal sa kanya sa Civil Service and Professional Regulation.

“Pero naniniwala ako sa democratic process. Kailangang iboto ko kung ano ang talagang idinidikta ng konsensiya ko. At kagaya nga ng sinabi ko, komunsulta naman ako sa mga Lipeño. Maski nga mga Vilmanians tinanong ko. Mas marami akong nakausap na laban sa death penalty, kaya naniniwala ako na iyong boto ko, mas gusto ng nakararaming tao. Eh, ako naman, public servant ako. Kaya siyempre kung ano ang gusto ng mga totoong boss, iyong mga tao, ‘yon ang gagawin ko,” sey pa ni Ate Vi.

Ayon pa kay Cong. Vi, chairmanship lang ang nawala sa kanya at nananatili pa rin siyang congresswoman.

“Ang committee chairmanship na ‘yan, eh, unang una pa lang, eh, hindi ko rin naman talaga inaasahan na magkakaroon ako kasi alam nating baguhan lang ako, di ba? ‘Yun naman ang sinasabi nila noon na kapag bago ka pa lang, eh, hindi ka binibigyan agad ng chairmanship.

“Ako naman, eh, first time ko sa House, nabigyan ako ng chairmanship noon. Nasubukan ko na, okay na ‘yon.

Naiintindihan ko rin naman iyong sinasabi nilang party decision, pero ang loyalty ko naman wala sa partido eh, nasa tao,” may diing pahayag pa rin ng isang Vilma Santos.

Lahad pa ni Cong. Vi, hindi naman porke inalisan na siya ng chairmanship ay kakalabin na niya ang administrasyon.

“Ako naman, basta maganda at pabor sa bayan, okay lang sa akin iyon. Susuporta ako talaga. Pero kung sa tingin ko, eh, hindi, I’m sure mananaig ang konsensiya ko. Kasi ako, siyam na taon akong mayor ng Lipa, siyam na taon din akong gobernador ng Batangas, kahit itanong mo pa sa mga constituents ko, never akong nag-astang pulitiko at hindi ako na tumitingin sa partido.

“Sa akin kasi magkalaban man ang partido kung maganda naman ang inihain mo, eh, walang problema kayo sa akin. Sa totoo lang din naman, eh hanggang eleksiyon lang naman ang partido, pagkatapos niyan, kailangan ang mananaig dapat ang paglilingkod sa bayan. At ‘yun ang importante,” banggit pa ni Ate Vi. (JIMI ESCALA)