PORMAL nang nakasampa sa Final Four ang Café France nang pabagsakin ang Jose Rizal University, 86-75, Huwebes ng gabi sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Umiskor ang dating University of the Philippines standout na si Paul Desiderio ng 16 puntos, kabilang ang tatlong three-pointer, apat na rebound at dalawang assist, habang nagdagdag ang Congolese center na si Rod Ebondo ng 16 puntos, 11 board, at tatlong block para manguna sa panalo ng Bakers.

Nag-ambag ang bagong recruit na si Joseph Sedurifa at JK Casiño ng tig-15 puntos para sa Café France.

Nakahabol mula sa 10 puntos, 22-32, na pagkakaiwan ang Bakers sa second quarter matapos maglatag ng 33 puntos sa third period para maagaw ang kalamangan, 65-55.

DepEd Sec. Angara na-starstruck kay EJ Obiena: 'We are proud of you!'

Matikas na nakihamok ang JRU, ngunit nagpakatatag ang Bakers sa krusyal na sandali para makopo ang panalo.

“I think this game really showed that our weakness is when the defense goes to a zone. We must make our outside shots so we can get the ball down to Ebondo,” pahayag ni Bakers coach Egay Macaraya.

Nanguna naman si Tey Teodoro para sa JRU sa naitala nitong 18 puntos. Iskor:

Café France 86 - Desiderio 16, Ebondo 16, Casino 15, Sedurifa 15, Calisaan 9, Faundo 6 Arim 3, Jeruta 2, Manlangit 2, Wamar 2, Aquino 0, Guinitaran 0, Veron 0.

JRU 75 - Teodoro 18, Bautista 14, Amboludto 10, Dela Virgen 8, Marquez 8, Publico 7, Lasquety 6, Poutouochi 4, Astilla 0.

Quarterscores: 15-22; 32-38; 65-55; 86-75. (Marivic Awitan)