NANG ilahad kamakailan ni Pope Francis ang posibilidad na payagang magpari ang mga lalaking may-asawa, kaagad kong naisip na ang Roman Catholic Church ay talagang may kakulangan sa naturang mga alagad ng Simbahan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang bansa. Ang nasabing pahayag ng ating Pope na nakalathala sa isang German newspaper ay nagsasaad na kailangang tiyakin kung ano ang kanilang magagawa para sa mga mananampalataya, lalo na sa mga kanayunan.

Ang nabanggit na pahiwatig ng Pope ay tiyak na ikinabigla ng mga Katoliko, lalo na kung iisipin na hindi pinapayagan ng Vatican ang pari na may asawa. Sagrado ang gayong doktrina o dogma na lagi namang iginagalang ng mga kinauukulan.

Subalit may mga ulat na sa loob ng kanyang apat na taong pagiging isang Papa, malimit magpamalas si Pope Francis ng mga kaluwagan sa mga sagradong kautusan tungo sa paglutas ng masasalimuot na problema ng Simbahan. Gayunman, ang pagpapahintulot na magpari ang mga lalaking may asawa ay isang pagtalikod sa mga aral ng Vatican; ito ay tiyak na magiging tampulan ng matinding pagtutol ng mga konserbatibo.

Katunayan, isang paring Katoliko ang mistulang umalma kaugnay ng pahayag ng Pope. Tandisang sinabi ni Father Jerome Secillano ng Nuestra Señora Parish sa Maynila na ang nasabing pahayag ay kailangang masusing pag-aralan at pag-ukulan ng malawakang konsultasyon. Marapat nga namang mahimay ang ‘pros and cons’ sa pagpapahintulot sa mga lalaking may-asawa na magpari.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Totoo na may mga patakaran sa loob ng Simbahan na hindi na maaaring baguhin, tulad ng mga doktrina. Ngunit tiyak na mayroon din namang masasalimuot na isyu na marapat lamang busisiin sa pamamagitan ng malawakang pagsasanggunian.

Ikinabigla ko rin ang isa pang pahiwatig ng Pope nang kanyang bigyang-diin na ang ‘celibacy’ o kawalan ng asawa ng isang pari ay hindi isang doktrina o dogm; ito ay isang disiplina na nagpapahintulot sa mga pari na ialay ang kanilang sarili sa Diyos at sa paglilingkod sa Simbahan. Nakapagbukas ito ng kaisipan hinggil sa kalayaan ng mga reglamento na ipinatutupad ng mga relihiyon.

Naniniwala ako na ang pahayag ng Pope tungkol sa pagpapahintulot na magpari ang mga lalaking may asawa ay bahagi na ng umiiral na sistema sa iba’t ibang sektor ng pananampalataya. Ang mga pari sa mga Aglipayan Church ay may asawa at mga anak. Gayundin ang mga married Anglican ministers na umalis sa Rome at pinahintulutang magtatag ng kanilang mga simbahan. Nakapag-aasawa rin ang mga Coptic Catholics at iba pa.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang mahalaga ay igalang ang kasagraduhan ng kinaaaniban nating mga Simbahan. Hindi dapat magkaroon ng anumang balakid sa pangangaral ng mga utos ng ating Panginoon. (Celo Lagmay)