IBINALIK na ng mga conservation group sa Indonesia ang 17 nanganganib na maglahong orangutan sa kanilang tirahan noong nakaraang buwan, ibiniyahe ito ng helicopter sa malalayong lugar sa Borneo, kung saan inaasahan nilang magiging ligtas ang great apes mula sa pangangaso ng mga tao.
Pinalaya na rin ng Orangutan Foundation International nitong huling bahagi ng Pebrero ang 10 orangutan sa isang pribadong peatland forest na katulad ng sukat ng Singapore sa Central Kalimantan. Isinilang sa kagubatan ang lahat ng 10 ngunit kalahati sa mga ito ang naabandona dahil sa pagkakalbo ng kagubatan at ang iba naman ay naging mga alagang hayop bago nailigtas.
Sa isa pang grupo, pinakawalan ng BOS Foundation ang pitong orangutan nitong unang bahagi ng Marso, pinalaya ito sa 86,000-ektaryang Kehje Sewen Forest sa East Kalimantan
“We need forest which is far from the activities of people,” ani Jamartin Sihite, chief executive ng foundation.
Magastos man ang paggamit ng mga helicopter, aniya, ngunit “we will do everything we can for the orangutan to send them back to their habitat safely.”
Noong nakaraang taon, idineklara ng International Union for Conservation of Nature na critically endangered ang Bornean orangutans.
Bahagi ang Orangutan Foundation International sa pagliligtas at rehabilitasyon ng mga orangutan sa nakalipas na mga dekada. Nagsimula ito kay Birute Mary Galdikas, na nagtayo ng kampo noong 1971 sa Borneo para pag-aralan ang mga great ape at nananatiling nakabase roon sa nakalipas na 45 taon.
Aabutin pa ng ilang taon ang pagbabalik ng mga orangutan sa kanilang tirahan. Nagiging pangunahing hamon ang paghahanap ng angkop na lokasyon para sa mga ito. (Associated Press)