Tiniyak kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magsasagawa ng mas maraming pagpapatrulya ang gobyerno sa Benham Rise upang malaman kung totoong tinigilan na ng mga survey ship ng China ang paglalayag sa lugar.

Ito ang sinabi ni Lorenzana nang hingan ng komento tungkol sa iginiit ng China na hindi maaaring angkin ng Pilipinas ang Benham Rise kahit pa bahagi ito ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EZE) ng bansa.

Hindi rin pinasusubalian ng kalihim ang posibilidad na magsagawa ang Department of National Defense (DND) ng sariling survey sa Benham Rise upang matukoy ang resources sa lugar, na malapit sa Dinapigue, Isabela.

Sinabi niyang kabilang ang Benham Rise sa mga tinalakay sa Cabinet Security Cluster Meeting na pinangunahan ni Pangulong Duterte nitong Lunes ng gabi.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

“What we talked about it is that we’ll try to do something about it, maybe can make a survey to determine how really big the area is and later on decide what to do with the area,” sinabi ni Lorenzana sa mga mamamahayag kahapon.

“For the meantime, we will send patrols and then we will study what we can put there to exploit the resources because as far as we know there are a lot of yellow fin tuna there,” dagdag niya.

Samantala, nagbabala naman ang gobyerno sa ibang bansa laban sa pananatili o pagtatayo ng anumang istruktura sa Benham Rise.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na handa ang pamahalaan na ipagtanggol ang Benham Rise at limitahan ang paglalayag ng mga barko sa lugar.

“The Benham Rise belongs to the Filipino people and the Philippine government is duty-bound to defend and protect our sovereign and territorial right over this region,” ani Abella. (Francis T. Wakefield at Genalyn D. Kabiling)