POSITIVE vibes ang dala ng picture nina Angel Locsin at Marian Rivera na muling nagkita nang magkasabay sa pagpapaayos sa Symmetria Salon ni Celeste Tuviera. May picture ang dalawa na kasama si Celeste, may picture na silang dalawa lang na parehong nakangiti at may picture si Marian na kasama ang pet dog ni Angel na si Pwet Pwet.
Halatang hindi pang-publicity ang pictures dahil hindi ipinost nina Angel at Marian sa kani-kanyang social media accounts. Sa Instagram story lang ni Marian ito ipinost na nag-i-expire rin at sa IG ni Celeste.
Bale pangalawang pagkikita na ‘yun nina Marian at Angel na unang nagkasama sa pictorial ng Mega magazine nang mapasama sila sa pinarangalang 25 Iconic Women. Sa nasabing pictorial, nagyayang magkape o mag-dinner si Angel, pero hindi pa nangyayari hanggang ngayon.
Sa muling pagkikita nina Marian at Angel, mas dumami ang nagre-request na sana’y pagsamahin sila sa pelikula. Malabo kasi silang magsama sa TV dahil magkaiba ang kanilang network. (NITZ MIRALLES)