MARAMI sa ating kababayan, lalo na ang mga consumer ng Manila Electric Company (Meralco), ang nakakapansin na tuwing tag-araw o bago sumapit ang tag-araw ay tumataas ang singil sa kuryente. Nasasabi tuloy ng iba pa nating kababayan na ang dagdag-singil sa kuryente tuwing tag-araw ay simbolo na ng kasibaan at pagiging ganid sa tubo at pakinabang ng Meralco gaya ng mga dambuhalang kumpanya ng langis.

Tulad ngayong Marso, sinadya man o hindi, ang dagdag-singil sa kuryente ng Meralco, nalantad na muli sa sambayanan ay parang talagang pinagsasamantalahan ang mga consumer. Kukuryentehin muli sa pagbabayad ang mga consumer dahil sa dagdag-singil na 66 na sentimos kada kilowatt hour (kwh) mula ngayong Marso hanggang Mayo. Matinding parusa, pahirap at pasanin ito sa mga comsumer. Ang dagdag-singil sa kuryente ay inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hiniling ng Meralco. Ang paliwanag, upang mabawi ang dagdag-gastos ng Meralco dahil sa maintenance shutdown ng Malampaya Natural Gas Facility noong Enero 28-Pebrero 16, 2017.

Ang hiling ng Meralco sa ERC na dagdag-singil sa kuryente ay 30 sentimos kada kwh ngunit 22 sentimos lamang ang inaprubahan ng ERC. Sa paliwanag ng ERC, sinabi nito na ang nasabing halaga ang lumabas sa pagkuwenta nila sa total fuel cost na umabot lamang sa P1.752 bilyon na mas mababa kumpara sa taya ng Meralco na P2.417 bilyon. Ang nasabing halaga ay idadagdag sa generation charge bilang bahagi ng fuel cost sa panahong naka-shutdown ang Malampaya dahil sa maintenance nito. Ang pagkolekta ng dagdag-singil sa kuryente ay ipatutupad ngayong Marso hanggang Mayo. Dahil dito, nasabi tuloy ng maraming ina ng tahanan: Malayo pa ang Semana Santa ay magpipinetensiya na sila sa pagbabayad ng kuryente.

Sa desisyon at pagpayag ng ERC sa dagdag-singil sa kuryente, hindi naiwasan ng ilan nating kababayan na magtanong. Bakit tuwing hihiling ng dagdag-singil sa kuryente ang Meralco ay napakabilis pumayag ng ERC? Napipindot kaya ang ilong at napipilipit ang tainga ng mga taga-ERC? Hindi na tinitingnan o isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga consumer na parurusahan at pahihirapan sa dagdag-singil sa kuryente. May nagtanong pa na may magkakano kayang dahilan at cashunduan?

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang Meralco ay naghain o humiling ng dagdag-singil sa kuryente sa ERC noong Enero 21, 2017 matapos maapektuhan ng Malampaya shutdown ang supply ng natural gas sa mga power plant.

Sa tuwing may dagdag-singil sa kuryente, may paliwanag at pambobola lagi ang mga tambolero ng Meralco. Ayon sa tambolero, bukod sa P0.22 kwh na “pass on” charge na inaprubahan ng ERC dahil sa pagsasara ng Malampaya natural gas facility, nadagdag sa power rate increase ngayong Marso ang P0.03 buwis at P0.06 na iba pang bayarin. Sa dagdag-singil sa kuryente, ang tahanan na kumukonsumo ng 200/kwh na kuryente kada buwan ay may dagdag na P132.

Dahil sa dagdag-singil sa kuryente, asahan na marami na naman tayong kababayan na mapuputulan ng kuryente sapagkat hindi makakayang magbayad. Sa ganitong pangyayari, masasabi pa kaya ng Meralco na “May Liwanag ang Buhay.”

(Clemen Bautista)