Makukuha na ng mga retirado ng Social Security System (SSS) sa Biyernes, Marso 17, ang ikalawang bugso ng karagdagang P1,000 sa kanilang pensiyon.

Kinumpirma ni SSS Chairman Amado Valdez ang pagpapalabas ng ahensiya ng mahigit P2 bilyon para sa mga pensiyonado sa Biyernes.

Ang naturang pondo ay para sa pensiyon nitong Pebrero, paglilinaw ni Valdez, matapos unang tanggapin ng mga pensiyonado nitong Marso 3 ang karagdagang P1,000 sa pensiyon para sa Enero 2017.

Sinabi naman ni Valdez na sa Abril ay babalik na sa regular ang buwanang pensiyon na tatanggapin ng SSS retirees.

National

3 weather systems, magdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng PH – PAGASA

Umapela rin si Valdez sa mga retirado na kaagad ipaalam sa SSS kung hindi pa nakatatanggap ng nabanggit na karagdagang benepisyo.

Kasabay nito, kinumpirma ni Valdez na simula sa Mayo ay ipatutupad na ang 1.5 porsiyentong pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS, kaya aabot na sa 12.5 porsiyento ng contribution rate mula sa kasalukuyang 11%.

(Rommel P. Tabbad)