PALAGING mayroong katwiran o paliwanag ang sino man sa kanyang kamalian na maaaring kapani-paniwala o hindi. Ngunit libangan na ngayon ng mga kritiko ang pagbatikos sa kapalpakan ng iba. Ganito ang sitwasyon ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Jr. na binubugbog at binabantaan ng perjury charges, bukod sa nasa balag na alanganin ang kanyang kumpirmasyon dahil minsan niyang sinabi na HINDI SIYA American citizen.

Ayon sa record, nag-apply nga si Yasay ng US citizenship at natanggap naman noong 1980’s, ngunit noong 1993, isinuko niya ang kanyang natamong American citizenship bago pa man niya napanaginipan maging Foreign Secretary.

Para sa maraming Pilipino, ang naturalized citizenship sa ibang bansa ay praktikal na desisyon lamang para maging maginhawa ang pagtrabaho nila sa ibayong dagat, ngunit hindi kasama rito ang magretiro hanggang kamatayan doon, lalo na sa US kung saan sagad sa langit ang gastos sa pamumuhay.

Si Yasay—na isang abogado—ay binigyan ng pribilehiyong maging US citizen. Tulad ng maraming Pilipino, ang pagyakap niya ng kanyang American citizenship ay isang pagpapakita lamang ng kanyang intensiyong magtrabaho bilang propesyunal sa US at magbalik sa kanyang lupang sinilangan pagsapit ng tamang panahon. Ang kanyang pagtatakwil sa kanyang US privilege at pagpapatuloy ng kanyang Filipino citizenship noon 1993 ay makatwiran lamang. Ang igiit ng mga kritiko niya na pinili niyang talikdan ang kanyang bansa upang mamatay sa Amerika ay tila walang lohika at hindi mauunawaan ng karamihang Pilipino.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Para sa iba, ang naturalized citizenship ay maaaring mangahulugan ng buong pagsuko sa bansang napangakuan ng katapatan. Nag-apply si Yasay at natanggap bilang US citizen ngunit ang kanyang puso ay nananatiling... nasa Pilipinas—isang dahilan kung bakit nagpasya siyang isuko ang kanyang US citizenship noong 1993.

Ang nakakatawa, karamihan sa mga kritiko ni Yasay ay nagsisi-astang higit na banal kay Yasay at para bang mayroon silang karapatang alipustahin ang iba, ngunit madaling umalma kapag sila naman ang pinupuwing. Tahasan nilang inaakusahan si Yasay ng pagsisinungaling nang hindi man lang tinanong kung ano ang konteksto ng kanyang pahayag na hindi siya American citizen.

Upang maunawaan ang kaso ni Yasay, marapat lamang na kilalalanin muna siya ng kanyang mga kritiko, pati na ang kanyang pinagmulang pamilya. Kung mayroon mang pinakamainam na dahilan kung bakit kailangan natin si Yasay sa gobyerno, ito ay sapagkat disente siya, at ang kanyang pananaw para sa mabisang foreign service ng bansa — natitiyak ko — ay mag-iiwan ng pangmatagalang pamanang kabutihan. (Johnny Dayang)