NITONG nakaraang Miyerkules ay ibinasura ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakahirang ni Pangulong Digong kay Perpecto Yasay bilang Foreign Affairs Secretary. Sukat ba namang sumumpa siya sa CA sa unang pagdinig ng kanyang confirmation na kahit kailan ay hindi siya naging U.S. citizen. Eh, dokumento ang nagpapatunay na naging U.S. citizen siya noong 1986 at tinangka niyang i-renounce ito noong 1993, pero nabigo siyang makuhang muli ang Philippine citizenship.

Ayon din sa dokumento, pormal lang niyang ni-renounce ang American citizenship sa U.S. Embassy sa Maynila noong Hunyo 28, 2016, dalawang araw bago siya hirangin ng Pangulo. Bukod dito, may pasaporte ng Amerika si Yasay.

Nitong huling pagdinig ng kanyang confirmation, bagamat hindi niya diretsahang sinagot ang tanong sa kanya ng Senador kung siya ay naging U.S. citizen, inamin niya ang mga nilalaman ng mga dokumento. Pero, ipinaalam kaya ni Yasay sa Pangulo na siya ay U.S. citizen nang siya ay hihirangin na? O baka alam na ito ng Pangulo bago niya hirangin si Yasay?

Iyong i-renounced ni Yasay ang kanyang American citizenship sa U.S. Embassy dalawang araw bago siya italaga ng Pangulo ay pagreremedyo sa depekto ng kanyang kuwalipikasyon na alam niya at ng Pangulo. Kaya pala matindi kung bumanat si Pangulong Digong sa Amerika at matapang na inaanunsiyo niya na paiiralin niya sa bansa ng independent foreign policy, may... kakampi siyang Kano sa kanyang Gabinete. Matapang din si Yasay kahit tinanggihan na ng CA ang kanyang confirmation. Positibo pa rin daw siya.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Pero, hindi dapat ikagalit ng mga mambabatas ang ginawang pagsisinungaling sa kanila ni Yasay. Ganito rin kasi tratuhin ng mamamayan ang kanilang mambabatas. Ang ginawa ni Yasay na itago sa kanila ang katotohanan ay maliwanag na pagpapakita ito ng kanyang walang takot at paggalang sa kanila. Ganito rin ang tingin ng mamamayan sa kanilang mambabatas. Hindi lamang sa mga pagdinig sa Kongreso nakikita ang kanilang kawalan ng kakayahan at hindi magandang asal. Ang matindi pa, sila ang pasimuno kung paano paduduguin ang bayan.

May mga isyu na kung maglaban sila ay blockbuster at pangteleserye, pero kapag sasalakayin na ang kaban ng bayan at pagbibigay pabor sa mga magbibigay ng suhol, magkakampi sila. (Ric Valmonte)