Vina copy copy

NADISMIS ang mga kasong libelo na isinampa ni Cedric Lee laban kay Vina Morales na ina ng anak nilang si Ceana.

Matatandaang nagsampa ng libelo ang magkapatid na Cedric at Bernice Lee laban kay Vina dahil sa pagpapainterbyu niya nang hiramin si Ceana at hindi ibinalik sa takdang araw at oras na napagkasunduan nila sa korte.

Sa launching ng Vina XXX, 30th anniversary album ni Vina, nabanggit niya pagkatapos ng Q and A na hindi na umabot sa korte ang ikinaso sa kanya ng magkapatid.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“We received good results already, thankful kami ni Attorney Lucille Sering na nasa panig namin ang mga complaints and few of them are dismissed already.

“Hindi ko sana ibabalita pero natanong n’yo naman. Hopefully ‘yung iba rin. And thankful ako na God is good basta wala ka namang masamang intesiyon sa kapwa mo, God will always listen to you,” kuwento ni Vina sa press.

Series of cases daw ang sinampa ni Cedric kaya may natitira pa, pero ang mahalaga ay dismissed na ang libel cases na isinampa sa iba’t ibang lugar. Kaya nagbiro si Vina na inikot nila ang Metro Manila dahil meron ding isinampa sa Caloocan, Pasig at Mandaluyong.

“Kaya nagpapasalamat nga po ako sa lawyers ko na sina Attorney Lucille Sering, Attorney Castillo who’s been helping me on that, and my cousins Edward Joson and Mayor Gail Joson of Nueva Ecija, kasi after that, sumunod na ‘yung Parañaque, Caloocan, Pasig, Mandaluyong inikot po namin, ha-ha-ha. Pero pasalamat naman po ako at nasa panig namin ‘yung mga resulta,” masayang kuwento ni Vina.

Ongoing naman daw ‘yung kasong isinampa ni Vina laban kay Cedric na ayaw muna niyang pag-usapan dahil masyado raw sensitibo dahil damay na ang anak nilang si Ceana.

“Ako naman kasi, alam mo minsan sa mga nangyayari sa ating buhay, minsan maganda ‘yung pinagsasamahan n’yo, minsan naman nagkakaroon ng problema at minsan, naayos din.

“Ako naman, bilang nanay at bilang tao, marunong naman akong mapag-usapan, huwag na lang ulitin ‘yung mga ganu’n pangyayari, marunong naman akong magpatawad, eh. So ganu’n lang ang buhay ng isang tao para mas magaan ‘yung nangyayari sa buhay mo,” pahayag ng singer/actress.

Sa tanong namin kung nahihiram pa ni Cedric ang anak tulad ng nakagawian, “may court order,” sambit ni Vina na ang intindi namin ay hindi puwedeng madalaw o mahiram si Ceana ng ama niya.

Nabanggit din ni Vina sa loob ng 30 years niya sa showbiz ay wala siyang inaway na tao.

“Ito na lang, in thirty years in show business, may narinig po ba kayo na nagwawala ako, may sinampal ako, masama akong tao?

Never. Wala po akong ganyan. Tahimik lang po ako, kung puwede akong tahimik lang, hindi pag-usapan.

“There are people, there are things in this business, in thirty years, I’ve gone through a lot. Minsan nga, hindi na lang ako nagsasalita sa mga controversies.

“A lot of things are concocted by other people just to get attention. They want to use you para lang mapag-usapan sila.

“Ako naman, I always believe in the truth kilala niyo naman ako.

“For thirty years, hindi ko ugali yung ganu’n at saka, tama na, ayaw ko na pong magamit,” maayos na paliwanag ni Vina.

“One thing I’ve learned is to always believe and to prove to people na hindi ka naman ganu’ng klaseng babae,” dagdag pa niya.

“At yung pagkatao mo, ‘yun din naman ang makikita ng mga tao, I guess the respect and being a fighter.

“Hindi naman kailangan na sumagot sa lahat ng intrigang lumalabas tungkol sa akin o mga gawa-gawang istorya against me. Ang sa akin kasi, I always believe na silence is the best revenge. I always go through the proper way.

“Katulad ng mga nangyari sa akin last year, hindi man ako nagsalita against other people, I made sure I do it in the proper way, through the law, so I filed cases.

“Naniniwala ako, being a strong woman is to always keep your heads up. Basta wala kang inaapakan na tao at ang sinasabi mo ay totoo lamang. Doon ka lalong rerespetuhin ng mga tao bilang babae.”

Samantala, co-producer siya ng kanyang Vina XXX album, her first after seven years.

Magaganda ang mga kanta sa album lalo na ang Maghihintay Kailanman na sinulat ni Chie Floresca at nilapatan naman ng tunog ni Jonathan Manalo, na isa rin sa producers ng album.

Sabi nga ni Vina, “puwedeng teleserye theme song.”

Nagustuhan din ng lahat ang carrier song na Lagay ng Puso na nilikha ni Raizo Chabeldin, tumatalakay ito sa dalawang taong nagmahalan at nagkahiwalay pero ayaw ipaalam ng isa kung ano na ang lagay ng puso niya. Maganda rin ang music video ng nasabing awitin.

May duet sila ni Ceana, ang Pag-Ibig Na Walang Hangganan na komposisyon ni Jungee Marcelo.

Napasayaw naman ang lahat sa awiting Eres Mio (You are Mine) na isang Tag-Nish (Tagalog-Spanish) song na nilikha ni Rox Santos na ayon kay Vina ay feeling sexy talaga siya kapag kinakanta niya ang nasabing awitin.

Laman din ng album ang Laro, I Want Love To Stay, To Live For Each Other mula sa Star Music.

Excited si Vina dahil magkakaroon siya ng mall tours, bar tours para sa promo ng Vina XXX album. (REGGEE BONOAN)