ANG Turumba at Lupi ay sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ng Pakil sapagkat ito ay isang natatanging tradisyon at bahagi na ng kultura ng Pakil, Laguna. Nais nilang mapanatiling isang tourist attraction at destination ang lugar. At ang lahat ng may panata at debosyon sa Nuestra Señora de los Dolores de Turumba ay malugod na tinatanggap.
Maging ang parish priest ng parokya ng Pakil ay naghahangad na ang mga deboto at may panata sa Mahal na Birhen ng Turumba ay pagpalain ng Poong Maykapal sa kanilang mga banal na gawain sa patnubay ng Birhen ng Turumba.
Ayon sa kasaysayan, ang imahen ng Nuestra Señora de los Dolores de Turumba ay natagpuan ng mga mangingisda ng Pakil sa Laguna de Bay noong Setyembre 13, 1788. Sa kabila ng malakas na hangin, ang imahen ng Mahal na Birhen ay nakalutang sa tubig. Noong una’y nahirapan at hindi makuha ito ng mga mangingisda sapagkat salungat sa agos at alon ng lawa. Ngunit pinalad din na mahuli ng lambat ang imahen ng Mahal na Birhen. Palibhasa’y magtatakip-silim na, ipinasya ng mga mangingisda na ipatong na lamang sa isang malapad na bato sa tabi ng lawa ang imahen ng Mahal na Birhen.
Ang orihinal na imahen ng Mahal na Birhen ay isang larawan sa oil painting. Nakakuwadro na may sukat na 9’ x 11”. May paniwalang dala ang larawan ng isang paring misyonero na naglalakbay, sakay sa isang kasko, sa Laguna de Bay. Ngunit nang magkaroon ng malakas na unos sa lawa, lumubog ang kasko at napunta sa lawa ang larawan ng Mahal na Birhen.
Kinabukasan ng umaga, ang imahen ng Mahal na Birhen ay nakita ng mga sakadora o mamimili ng mga isda. Namangha sila sapagkat sa kabila ng malakas na ulan noong gabi, ang larawan ng imahen ng Mahal na Birhen ay hindi nasira. Sa matinding kasiyahan at kagalakan ng mamamayan, sila’y nagsipagsayaw. Ang iba sa mga matandang babae ay napasigaw ng “Turumba! Turumba!” May sumasagot naman ng “Sa Birhen!”Nagpatuloy sa pagsayaw at pagkanta ang mga babae hanggang sa maipasok ang imahen sa loob ng simbahan ng Pakil.
Itinuring na isang magandang kapalaran ng Pakil, ang pagkakatagpo sa imahen ng Mahal na Birhen. Ipinag-utos agad ni Don Juan de San Francisco, ang kapitan ng bayan na bumuo ng mga mamamahala sa Mahal na Birhen, ang pagtatatag ng Fiesta Domingo de Dolor.
Nang lumaon, nabuo naman ang Kapisanan ng Unidad Catolica na namahala sa pagdaraos ng Turumba at Lupi. Sinimulan tatlong araw matapos ang Linggo ng Pagkabuhay, simula noon hanggang ngayon, ang Turumba at Lupi ay isa nang buhay at natatanging tradisyon sa Pakil. Dinarayo ito ng mamamayan sa... Rizal, Quezon at Batangas at iba pang may panata at debosyon sa Mahal na Birhen ng Turumba.
Upang lalong tumingkad ang pagpapahalaga at panata sa Mahal na Birhen ng Turumba, ang kilalang kompositor na si Propesor Julian C. Balita ay kumatha ng awit at tugtugin para sa Mahal na Birhen. Ganito ang mga lyrics at letra:
“Turumba, Turumba, Mariangga; Matuwa tayo’t magsaya; Sumayaw ng Turumba, Puri sa Birheng Maria; Biyernes nang makita ka, Linggo nang maiahon ka; Sumayaw ng Turumba sa Birhen, Puri sa Birheng Maria”.
Nakaugat nang tradisyon ang Turumba at Lupi sa buhay ng mga taga-Pakil. Sa paglipas ng panahon, nag-iiwan ito ng maraming alaala at gunita kapag binibigyang-buhay. Hindi nalilimot tulad ng pangalan ng kanilang kababayan at kinilalang dakilang Pilipinong religious songs composer, na pinaniniwalaang namanata rin sa Birhen ng Turumba.
(Clemen Bautista)