PALIBHASA’Y may mataimtim na pagpapahalaga sa kasagraduhan ng pananampalataya, lagi kong ipinagkikibit-balikat ang pagpuna sa alinmang relihiyon. Hindi ko nakagawiang salangin ang ganitong isyu, lalo na ngayong abala ang marami sa pagmumuni-muni sa Semana Santa.
Subalit bakit kabi-kabila ang nakadidismayang pagpuna sa sinasabing pagkukunwari, pagmamalabis at iba pang katiwalian sa iba’t ibang grupong pangrelihiyon? Pati ang masalimuot na isyu hinggil sa atheist —o mga tao na hindi naniniwala na may Diyos — ay nagiging paksa ng pagpuna ng ating mga kababayan at maging ng isang lider ng Simbahang Katoliko.
Sa kanyang pagbisita sa Cebu kamakailan, halimbawa, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga paring Katoliko na ipakukulong niya ang mga ito kung hindi sila titigil sa pangingikil sa mga mananampalataya. Ang tinutukoy marahil ng Pangulo ay ang abuloy na nalilikom kung may Misa, mga munting halaga na kusang-loob na iniaabot ng mga nagsisimba.
Matalim din ang pagtuligsa ng Pangulo sa aniya’y pagkukunwari at pang-aabuso ng ilang alagad ng simbahan; na nabubuhay sa karangyaan samantalang wala man lamang silang naipatayong rehabilitation center para sa mahihirap. Tanong ng Pangulo: “Where did the people’s money go?”
Ang gayong mistulang panggagalaiti ng Pangulo ay maaaring bunsod ng pagpuna ng mga alagad ng simbahan sa walang patumanggang pagpaslang ng mga hinihinalang sangkot sa illegal drugs. Ang sinasabing paglabag ng administrasyon sa karapatang pantao ay kinondena rin ng iba’t ibang organisasyong pandaigdig.
Subalit hindi ito ikinatigatig ng Pangulo. Bagkus ay lalong tumindi ang kanyang pagkadismaya sa mga alagad ng Catholic Church. Tandisan niyang ipinahiwatig na kung siya ay mamamatay, nais niyang mailibing nang walang misa na isasagawa ang mga pari; cremation ang nais niya at ang ‘urn’ ay iaagapay sa libingan ng kanyang mga magulang.
Maging si Pope Francis, lider ng 1.2 bilyong Roman Catholic, ay nagpahayag ng mga pagpuna o criticism tungkol sa mungkahi ng ilang miyembro ng Simbahan na higit na mabuti pa ang maging isang atheist kaysa sa maraming Katoliko na may mapagkunwaring pamumuhay. Sa isang sermon... sa isang pribadong misa, sinabi ng Pope: “It is a scandal to say one thing and do another.” Maliwanag nga naman ito ay isang ‘double like’ o pagkukunwari.
Sa isang Vatican Radio transcript, binigyang-diin ng Pope na marami ang nagsasabi na sila ay saradong Katoliko, laging nagsisimba at sila ay kasapi ng gayon at ganitong asosasyon. Subalit may mga pahiwatig na ang ilan sa kanila ay hindi nagpapasuweldo nang wasto sa kanilang mga tauhan at may tiwaling pagnenegosyo.
Sa kabila ng ganitong mga pagpuna, naalala ko ang sinulat ng isang mananalaysay: “I always believe in the existence of justice and loving kindness of God.” Dito nakaangkla ang aking paniniwala bilang isang mananampalataya.
(Celo Lagmay)