Ibinunyag kahapon ng sinasabing pork barrel mastermind na si Janet Lim-Napoles sa Sandiganbayan na nagtangka umano si Senator Leila de Lima na mang-extort ng pera sa kanya noong ito pa ang kalihim ng Department of Justice (DoJ).

Kinapanayam si Napoles ng mga reporter nang hindi matuloy ang pagdinig sa graft and plunder pre-trial kay dating Senator Jinggoy Ejercito Estrada kahapon.

Hiningan siyang magbigay ng komento tungkol sa mga pahayag nina Solicitor General Jose Calida at Pangulong Duterte na dapat madismis ang kanyang kasong serious illegal detention.

“Wala naman po talagang illegal detention na nangyari. Ito po ay extortion lamang. Dismissed na po ang kaso na ‘to sa DoJ noon pa,” sabi ni Napoles.

Sen. Imee Marcos binati si FPRRD sa kaarawan nito

Nang tanungin kung sino ang nangikil sa kanya, sinabi ni Napoles: “Isa si Secretary Leila de Lima.”

Hindi sinabi ni Napoles kung magkano ang hinihingi sa kanya, at kung sinu-sino ang iba pang mga personalidad na nagtangkang mangikil sa kanya.

Ang kasong illegal detention na tinutukoy niya ay kinasasangkutan ng kanyang pinsan na si Benhur Luy, na testigo sa pork barrel scam noong Disyembre 19, 2012.

Ikinulong si Luy ni Napoles at ng kapatid ng huli na si Reynald “Jojo” Lim sa condominium ng negosyante sa Taguig upang masiguro na hindi sila maisasangkot sa mga kasong may kinalaman sa fertilizer at Malampaya fund scams, gayundin sa PDAF-funded projects. (Czarina Nicole O. Ong)