ANG Lenten Season o Kuwaresma para sa mga Kristiyanong Katoliko ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos, pagkakawanggawa, pagdarasal at pagninilay sa mga hirap, pasakit at kamatayan ni Kristo sa krus alang-alang sa pagtubos sa sala ng sangkatauhan.
At sa iniibig nating Pilipinas na ang binhi ng Kristiyanismo ay nag-ugat na sa ating buhay, pamumuhay at kultura ang pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyon tuwing Kuwaresma, lalo na’t kapag sumapit na ang Semana Santa (Holy Week) ay hindi nalilimutan sapagkat bahagi na ito ng ating tradisyon.Tinutupad at pinahahalagahan bilang bahagi ng panata at debosyon.
Mababanggit na halimbawa sa Pakil, Laguna, isang makasaysayan at matulaing bayan na nasa pagitan ng bundok ng Sierra Madre at Laguna de Bay. Isang natatanging tradisyon ang laging binibigyang-buhay tuwing panahon ng Kuwaresma ay ang TURUMBA at LUPI. Tourist attraction na sa mga dayuhan at sa libu-libong mamamayan mula sa mga karatig na lalawigan.
Nagtutungo sa Pakil, Laguna upang masaksihan at makilahok sa nasabing tradisyon.
Ang Turumba at Lupi ay parangal sa Nuestra Senora de los Dolores de Turumba o Mahal na Birhen ng Turumba. Ang Turumba ang pinakamalaking religious activity sa Pakil, Laguna. Bukod pa ito sa pistang-bayan bilang parangal naman sa kanilang patron saint na si San Juan de Alcantara.
Ang Turumba ay hango sa salitang kastila na TARUM na ang kahulugan ay nahihibang, nawawala sa sarili o hindi alam ang ginagawa. Ganito ang tawag ng mga paring Kastila sa sayaw , awitan, luksuhan, palakpakan at tapikan ng balikat ng mga tao dahil sa labis na katuwaan. Bunga ito na ang imahen ng Mahal na Birhen ng Hapis o Dolores ay sa Pakil dinala at naidambana matapos itong matagpuan sa Laguna de Bay.
Ang LUPI o pagtiklop ay nangangahulugan naman na isara ang bintana, at mag-ulit ng nobena para sa susunod na kapistahan. Ang... LUPI ay tumutukoy sa Pista ng Birhen ng Turumba. Pitong ulit isinasagawa bilang paggunita sa Pitong Hapis sa Puso ng Mahal na Birhen (Seven Sorrows of Mary).
Ang Pitong Hapis ng Mahal na Birhen ay ang mga sumusunod: Una ay ang hula ng propetang si Simeon nang dalhin nina Maria at San Jose ang batang si Jesus sa templo at sabihin na parang may tatarak na balaraw sa puso ni Maria sa mangyayari kay Jesus. Ikalawa ay ang pagtakas nila sa Ehipto (Flight to Egypt) nang ipahanap ni Haring Herodes ang batang si Jesus upang patayin. Ikatlo ay ang tatlong araw na pagkawala ng batang si Jesus na natagpuan sa templo at nakikipagdebate sa mga saserdote. Ikaapat ay nang masalubong ng Mahal na Birhen si Jesus na may pasang krus. Ikalima ay ang pagpapako at pagkamatay ni Jesus sa krus sa Kalbaryo. Ikaanim ay ang pagbababa kay Jesus matapos mamatay sa krus at kalungin ni Maria (La Pieta) at ang ikapito ay ang paglilibing kay Jesus.
Ang Turumba at Lupi sa Pakil, Laguna ay nagsisimula ng Biyernes bago mag-Semana Santa o Holy Week. (Clemen Bautista)