Sylvia-Sanchez-3 copy copy

“ANG saya-saya ko nitong past few days kasi trending ang The Greatest Love, ang ganda ng ratings, pati mga show na kasama mga anak ko (Arjo Atayde sa Ang Probinsyano at Ria Atayde sa My Dear Heart) ang tataas ng ratings, ‘tapos nu’ng isang araw (Miyerkules), nakatanggap ako ng Best Actress award, pati na si Arjo, Best Actor, ‘tapos heto namatay na si Tita Angge?”

Ito ang malungkot na tinig ni Sylvia Sanchez nang tawagan at makausap namin kahapon habang nasa taping siya ng The Greatest Love.

Masaya rin ang aktres dahil nagdiriwang ang nanay niyang si Ms. Rosyline Campo ng birthday sa Agusan del Norte.

Human-Interest

BALITrivia: Ang ‘I Love You’ na nagbigay ng trauma sa halip na kilig noon

“March 3 birthday ng nanay ko, inaasikaso ko ‘yung resort na pupuntahan nila noong March 2 kasi gustong magpa-party ng nanay ko, ibinigay ko lahat ng gusto niya, lahat ng apo at mga kapatid ko nandoon sa Mindanao.

“’Tapos March 2, kausap ko naman si Imelda (anak ni Tita A) para sa mga kakailanganin ni Tita A. Namatay si Tita A March 2, birthday naman ng nanay ko ngayon (kahapon).

“Ang saya-saya ko kasi birthday ng nanay ko, 71st birthday niya, ‘tapos kalahati ng puso ko malungkot kasi namatay ang isa ko pang nanay for 23 years, ang tindi ng timing!” kuwento ni Ibyang.

Bagamat halos isang taon nang comatose ang kilalang talent manager at talent coordinator ng ABS-CBN, marami pa rin ang nalungkot nang tuluyan nang mamahinga si Tita Angge o Cornelia Lee sa tunay na buhay noong Huwebes ng gabi sa bahay nila sa Town and Country Subdivision, Antipolo, Rizal, ganap na 9:20 PM ayon sa anak niyang si Imelda.

“Mama Angge passed away around 9 PM. Thank you for all the prayers. Praise God it was a peaceful sleep. Her wake will be at Loyola Memorial in Marikina,” mensahe ni Imelda, at kahapon ang unang araw ng burol ng kanyang ina.

Matatandaang March 5 noong nakaraang taon nang makaramdam ng chest pain si Tita A sa loob ng Greenhills Theater habang nanonood ng London Has Fallen kasama ang pamangkin at sekretarya.

Nagkataon na nasa Greenhills din noon si Sylvia para sa isang meeting kaya agad nilang naitakbo si Tita A sa Cardinal Santos Hospital, dead on arrival na, ni-revive, at bumalik ang pulso pagkalipas ng 15 minuto. Pero tinapat ng mga doktor ang pamilya na critical na ang kalagayan ng kanilang ina at taimtim na panalangin ang kailangan para magising.

“Nawalan ako ng isang nanay, may bahagi ng puso ko ang nawala,” sabi sa amin ni Ibyang. “Ayoko siyang makitang (comatose), pero ayoko siyang bitawan hanggang sa huli. Pero nile-let go na siya kasi sobrang pagod na at hirap na siya.

“Nanay ko iyon na tagapagtanggol ko sa kaaway ko at tagamura ko sa mga umaapi sa akin, sa bashers ko, ngayon wala nang magmumura para sa akin.

“Pati asawa ko (Art Atayde), wala na ring tagapagtanggol. Mas mahal nga ni Tita A asawa ko, lagi silang nagbu-bully-han.

“Birthday ng asawa ko sa March 11, sinabihan niya si Tita A dati na ‘wag siyang mamatay sa birthday niya kasi habang buhay ni Art dadalhin iyon. Kamuntikan last year, di ba, March 5 inatake si Tita A. ‘Tapos ngayon, March 2 siya namatay, muntik din.”

Inabot ng ilang takes si Sylvia sa TGL nang nabalitaan niyang pumanaw na ang manager niya.

“Nu’ng nalaman ko, hindi ako makaarte, hirap na hirap ako sa eksena namin ni Nonie (Buencamino), gustung-gusto kong tumakbo papunta kay Tita A, pero hindi ko magawa kasi wala kaming ieere. Lahat ng kinukunan namin sa TGL, for airing, kaya hindi puwedeng wala ako.

“Naintindihan naman ng production ang nararamdaman ko that time, kaya pinabayaan muna nila ako ‘tapos take na ulit.

“Pagkatapos ng taping, diretso na ako sa Loyola, sa harapan ko inembalsamo si Tita A, gusto ko siyang yakapin, halikan, pero hindi puwede kasi may formalin. Hindi pa rin ako makaiyak, Reggee. Ang sakit sa puso ko na nawalan ako ng ikalawang ina na nag-alaga sa akin.

“Gustung-gusto kong nasa tabi lang niya sa bawat segundo hanggang sa huling sandali niya, pero hindi puwede, may trabaho ako, wala na si Tita A, Reggee,” malungkot na sabi ng aktres.

Samantala, plano pa naman sana ng aktres na sorpresahin ang nanay niya ngayong araw.

“Lilipad sana ako ng Mindanao kasama mga anak ko, surprise sana kasi nga wala ako sa party niya kahapon (Biyernes), eh, paano ako lilipad, patay si Tita Angge. Mas kailangan ako rito kasi kami ni Imelda ang nagtatawagan ng mga kailangan ng mama niya. Maiintindihan naman siguro ng mama ko na hindi ko siya madadalaw.”

Maya-maya, nagpaalam na si Ibyang dahil tinatawag na siya para mag-taping. (REGGEE BONOAN)