Sinabi kahapon ni Communications Secretary Martin Andanar na ang reorganisasyon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay walang kinalaman sa naging tensiyon sa pagitan niya at ng ilang mamamahayag kamakailan.

Ito ang nilinaw ni Andanar matapos niyang sabihin na hindi na siya makikipag-usap sa mga miyembro ng media tungkol sa mga pahayag ni Pangulong Duterte, at sa halip ay pagtutuunan na lang ang mga gawain sa PCOO.

“It is not an off shoot. I will concentrate in running PCOO Proper and its attached agencies to ensure lasting reforms,” saad sa text message ni Andanar.

Ang mga ahensiyang tinukoy ni Andanar ay kinabibilangan ng Philippine Information Agency (PIA), Philippines News Agency (PNA), People's Television Network (PTV4), at Radyo ng Bayan.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Sinabi rin niyang magbibigay din siya ng pahayag sa media kung hindi available si Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Kinumpirma naman ni Abella, bagong namumuno sa PCOO Proper Content Group, ang internal reorganization sa PCOO.

Matatandaang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Andanar at ang ilang miyembro ng media matapos niyang akusahan ng kurapsiyon ang mga Senate reporter at ng pagbaluktot sa mga pahayag ni Pangulong Duterte.

Palihim namang inimbitahan ni Senate President Koko Pimentel si Andanar sa isang hapunan kasama ang mga Senate reporter nitong Miyerkules ng gabi, ngunit walang pumansin sa kalihim. (Argyll Cyrus B. Geducos)