HANGGANG saan ang kayang gawin at ipakita ng paboritong Kapamilya idols upang aliwin ang mga manonood?
Anuman ang challenge, kakayanin ito ng walong I CANdidates ng pinakabagong Kapamilya talent-reality show na I Can Do That simula ngayong Sabado, Marso 11 sa ABS-CBN.
Sa programa, linggu-linggong maglalaban-laban ang I CANdidates para patunayan na wala silang aatrasang hamon: ang aktres at jiu jitsu enthusiast na si Cristine Reyes, aktres at in-demand cover girl na si Arci Muñoz, singer-actress na si Sue Ramirez, at host-comedienne na si Pokwang.
Sasamahan naman sila sa pagpapakitang-gilas ng theater actor at TV heartthrob na si JC Santos, dancer-performer na si Gab Valenciano, komedyanteng si Wacky Kiray, at ang model-actor at footballer na si Daniel Matsunaga.
Pangungunahan ang Philippine version ng I Can Do That nina Robi Domingo at Alex Gonzaga bilang hosts.
Kada linggo, iba-iba ang makaka-partner nila sa pag-perform ng extraordinary act na kailanman ay hindi pa nila nagagawa. Magtatanghal sa harap ng I CANdidates ang iba’t ibang grupo ng professional performers ng acts na maaaring nakamamangha, nakakatawa, at makapigil-hininga at siguradong susubok sa kanilang imahinasyon at tapang.
Kung sa tingin ng I CANdidates ay kaya nila itong gawin, bababa sila sa hagdan patungo sa performers. Ang unang makarating sa ikaapat o huling step ang magpe-perform ng naturang unique act at pipili ng makakaparehang I CANdidate na sa tingin nila ay ang makakapagpanalo sa kanilang performance.
Didiretso naman sa isang linggong paghahanda ang iCANdidates bago nila i-perform ang kani-kanilang unique act.
Ang pares na makakakuha ng pinakamataas na pinaghalong score mula sa scores na ibibigay ng bawat iCANdidate at extra points na ibibigay sa mananalo ng audience vote ang tatanghaling weekly winner.
Puspusan na ang rehearsals ng I CANdidates at may nagkaiyakan na dala ng sakit ng katawan at hirap na dinanas nila.
Sa katunayan, halos mabukulan si Daniel nang matamaan ng props na gamit niya sa kanyang act.
Anu-anong unique talents ang kayang gawin ng I CANdidates? Sa gitna ng stress na napagdaanan nila sa training, may nagkapikunan na kaya?
Ang I Can Do That ay nilikha ng Armoza Formats ng Israel at nagawan na ng bersyon sa 20 bansa sa buong mundo, kabilang ang US version na si Nicole Scherzinger ang itinanghal na unang Greatest Entertainer.
Abangan ang pagbubukas ng I Can Do That sa Sabado sa ABS-CBN.