Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay habang 11 sundalo naman ang nasugatan sa engkuwentro sa Indanan, Sulu, nitong Miyerkules ng hapon.

Sinabi ni Army Captain Jo-Ann D. Petinglay, tagapagsalita ng AFP-Western Mindanao Command (WestMinCom), na sumiklab ang bakbakan bandang 5:15 ng hapon nitong Miyerkules sa pagitan ng Abu Sayyaf at ng mga operatiba ng Joint Task Force Sulu sa Barangay Tubig Dakula, Indanan, Sulu, sa pinaigting na pagsisikap ng militar upang mailigtas ang mga natitirang bihag ng mga bandido.

Ayon sa militar, hawak pa rin ng ASG ang 31 bihag, kabilang ang isang Dutch, 12 Vietnamese, pitong Indonesians, anim na Pinoy at limang Malaysian.

“Based on reports coming from the field the Abus suffered five killed and several wounded,” sabi ni Petinglay.

Probinsya

13-anyos, pinakabatang nagpositibo sa HIV sa Palawan

Sinabi rin ni Petinglay na 11 sundalo ang nasaktan sa sagupaan, na kaagad namang dinala sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital.

Ayon kay Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, ang mga nakipagbakbakan sa militar ay pinamumunuan ng mga ASG sub-leader na sina Apo Mike Alhabsi, Ben Wagas at Alden Bagadi.

(FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY)