Binalaan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko sa nalalapit na pagpasok ng summer season sa bansa.
Sa inilabas na pahayag ng PAGASA, inaasahang matatapos na ngayong unang linggo ng Marso ang umiiral na northeast monsoon o hanging amihan na nagdadala ng malamig na simoy ng hanging nagmumula sa China at Siberia.
Ayon sa PAGASA, kapag sumapit na ang tag-araw, mapapalitan ang hanging amihan ng easterlies o maalinsangang hangin na nagmumula sa Pacific Ocean na magpapainit sa temperatura ng bansa.
Payo ng ahensiya, huwag magbilad sa sikat ng araw dahil posibleng magkaroon ito ng epekto sa kalusugan, lalo na ang mga may sakit sa puso. (Rommel P. Tabbad)