MAY sitsit na isang dating pangulo ang nagmamay-ari ng minahan. Habang ang iba, namantikaan ang labi o may porsiyento sa nasabing industriya. Ganoon kalaking pera ba naman, dadaan sa pang-amoy at mesa ng Palasyo, makakalusot ng walang “padulas” noon? Aw c’mon!

Tanda ito na mga bigatin ang kalaban ni Kalihim Gina Lopez ng Department of Environment and Naural Resources (DENR).

Huwag na idagdag ang mga pangalan ng ilang bilyunaryo sa lipunan na frente ng dayuhang korporasyon. O kaya’y ilang dating gabinete na nagbebenta at naghahanap ng mayayamang kumpanya upang isangla o makasosyo ang huli sa ‘Mining Franchise’ ng una.

Halimbawa, isang “may konek” na nakaangkat ng Operating Franchise sa halagang P15,000, sa Jolo, Sulu, kaya mura, subalit nailako sa dayuhang grupo ng Intsik sa halagang P200 milyon. Ang nasabing korporasyon, sanay magmina sa magugulong lugar sa Africa. Ang siste, pinatawag nito ang mga armadong lider sa Sulu at sila pa ang ginawang bantay ng minahan. May porsiyento rin ang grupo sa bawat truck na nahahakot. Tuloy, nawakasan ang peligro ng panununog, pag-atake at iba pa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Sa klima ng seryosong pagbabago ng DENR, sa pamumuno ni Secretary Gina Lopez, itong mga dambuhalang anino ay nagkaisa upang pondohan ang ilang kapatas sa Kongreso at Senado para huwag makalusot si Lopez sa confirmation ng Commission on Appointments. Pati Palasyo ni DU30 ay sinusubukan tuksuhin at bulagin kahit nilugso nila ang batas ng tao at naturalesang-yaman ng kapaligiran. Tapunan din ng sisi ng mga manggagawa sa pagmimina (na may “closure order”) si Lopez. Bad yan! Dahil kung una pang tumalima ang mga nasarhang kumpanya sa batas, tuloy sana ang negosyo, lalo na ang hanap-buhay ng mga minero.

Sino ba may sala, dahil unang lumabag sa atas ng Pamahalaan? Hindi si Lopez! Bagkus, dapat magprotesta ang mga empleyado ng pagmimina sa sarili nilang management. Isampal ni Lopez sa mga suwapang na negosyante ang nakalulumong mga larawan sanhi ng pinsalang idinulot ng kanilang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Papanagutin sila at ang iba. Umayos kayo dahil limpak-limpak na kuwarta at yaman na ang nakamal. At sa abroad pa ipinaparaos. Kung ayaw ninyo, eh ‘di “walang forever”. (Erik Espina)