SA isang talumpati sa harap ng Munich Security Conference noong Pebrero 17, ipinahayag ni Russian Foreign Minister Sergei Lavrov ang kanyang pag-asa na ang daigdig ay pipili ng isang demokratikong sistema na ang bawat bansa ay kikilalanin sa sariling soberanya. Ito, aniya, ay tatawaging “post-West world order.”

Sa kanya namang bahagi, sinabi ni Senador John McCain ng Estados Unidos na marami ang nag-aalala na ‘tila inaabandona na ng Estados Unidos ang papel bilang pinunong pandaigdig. Sa kabila ng mapanganib na panahon sa kasalukuyan, nagbabala siya na hindi dapat isantabi ang Amerika.

Ang dalawang talumpati ay magkaibang pananaw sa isyu ng maaaring simula ng pagtatapos ng “Imperyong Amerikano”, kasabay ng paglakas ng Russia at China.

Kabilang ako sa henerasyon ng mga Pilipino na ang buhay ay hinubog ng Sentenaryo ng Amerika kung kailan ang Estados Unidos ang kinikilalang superpower. At gaya ng pagbibigay-daan ng aking henerasyon sa bagong henerasyon ng kabataan, ‘tila lumilipas na rin ang henerasyon ng paghahari ng Amerika.

Lumaki ako na humahanga sa Estados Unidos. Marami sa aking henerasyon ang umaasa sa liderato ng Estados Unidos.

Inaasam namin ang mga produktong may tatak na “Made in the US” at nangangarap na makarating sa Amerika.

Ngayon, lahat ay “Made in China,” marami nang Pilipino ang nakarating hindi lamang sa Amerika kundi sa pinakamalalayong lugar sa daigdig. Ang liderato sa daigdig ay pinagtutunggalian na ng China at Russia. Sinabi ni McCain na mapanganib ang kasalukuyang panahon ngunit maaari ring ito ay masiglang panahon dahil sa patuloy na mga pagbabago.

Mula nang okupahan ng Estados Unidos ang Pilipinas dahil sa 1898 Treaty of Paris, naugnay na ang Pilipinas sa pagsulong ng kapangyarihan ng Amerika sa daigdig. Ang Pilipinas ang naging sanayan ng Estados Unidos sa pagsasakatuparan ng ambisyong maging isang imperyo. Ang dalawang digmaang pandaigdig ang naging tanghalan ng kumpetisyon sa paghahari sa pagitan ng Estados Unidos at Soviet Union.

Ito rin ang nagpapaliwanag kung bakit noong mga dekada ng 1960 at 1970 ay naging malakas ang mga sentimyentong maka-Amerika at laban sa Amerika sa Pilipinas.

Ang sumunod na pagkalansag ng Soviet Union ay humantong naman sa pagkakaroon ng isang unipolar world order, nang naging dominante ang Estados Unidos.

Ngunit magastos ang pagiging “policeman of the world.” Napagtanto ng Estados Unidos na magastos ang pagiging nag-iisang superpower na nakikialam sa mga usapin ng halos lahat ng bansa. Tinatawag ko itong “paradox of grandeur” — ang pangangailangan ng isang superpower na gamitin ang kanyang impluwensiya ang siya ring panganib sa kanyang posisyon.

Ang digmaan sa Vietnam at ang pakikialam sa pansariling problema... ng maraming bansa ay nangangahulugan ng magastos na pagpapalakas sa militar ng Estados Unidos. Ang mahahabang digmaan sa Afghanistan at Iraq ay nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Amerikano at pagkawala ng $6 trillion sa bahagi ng Estados Unidos.

Bukod dito, binugbog din ng iba’t ibang krisis ang ekonomiya ng Estados Unidos, na ang pinakahuli ay ang pagbagsak ng ekonomiya noong 2008, na nakaapekto sa buong daigdig. Iniulat ng Forbes magazine na lumiliit ang kontribusyon ng Amerika sa ekonomiya ng daigdig mula sa 40 porsiyento ng pandaigdigang GDP noong 1960, ay naging 22 porsiyento sa kasalukuyan.

Nahuhuli na rin ang Amerika sa mga bansang gaya ng Spain, Cyprus at Qatar kahit sa sukatan ng pansariling yaman. Ayon kay Jill Hamburg Coplan ng magasing Fortune, ang per capita median income sa Amerika na $18,700 ay mababa at hindi nagbago mula pa noong 2000.

Ayon naman sa US Census data, 45.3 milyong Amerikano ang mahihirap, at ang Estados Unidos ay ika-36 sa kabuuang 162 bansa. Ang Estados Unidos din ang ikaapat na pinakamataas ang inequality sa buong daigdig, ika-16 sa adult literacy at ika-21 sa adult numeracy sa kabuuang 23 bansa, at ika-14 sa problem-solving batay sa skills survey ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).

Hindi na pinagtatalunan na pahina na ang paghahari ng Amerika. Gaya ng ibang imperyo sa kasaysayan, palapit na ito sa dulo ng kanyang panahon. (Itutuloy)

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)