BUKAS ay unang araw ng Marso. At batay sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, bukod sa simbang-Baclaran o nobena sa Birhen ng Ina ng Laging Saklolo, ay Miercoles de Ceniza o Ash Wednesday. Simula na ng Lenten Season o Panahon ng Kuwaresma. Hango ang salitang Kuwaresma sa kuwarenta o 40.

Paggunita ang Kuwaresma sa huling 40 araw na ministry o pangangaral ni Kristo bago ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan sa kasalanan na ang naging katumbas ay ang Kanyang kamatayan sa krus. Ang Lenten Season ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos, pangingilin, pagkakawanggawa at paglilingkod sa kapwa.

Ang Ash Wednesday, tulad ng Biyernes Santo, ay araw ng pag-aayuno o fasting at abstinence o ‘di pagkain ng karne na dapat sundin ng mga Kristiyanong Katoliko. Ang mga senior citizen ay exempted o hindi kasama sa fasting at abstinence gayundin ang mga maysakit.

Sa umaga at hapon ng Ash Wednesday, tanawin sa buong bansa sa iba’t ibang parokya ang pagsisimba o pagpunta sa mga simbahan ng mga mananampalataya at pagkatapos ay magpalagay ng abo sa noo na mula sa sinunog na mga palaspas noong isang taon. Ang paglalagay ng tanda ng krus na abo sa noo ay sinimulan at pinahintulutan ni Papa Celestino noong 1191. Sa nakalipas na panahon, ito ay itinuring na isang alamat at naging kaugaliang Kristiyano tuwing sasapit ang Ash Wednesday.

Sa dating liturhiya ng Simbahang Katoliko, ganito ang ibinibigkas ng mga pari sa tuwing may pinapahiran ng abo sa noo, “Memento homo quia pulvis est, et impulverin reverteris” o tandaan mo tao na sa alabok ka nagmula kaya, sa alabok ka rin muling magbabalik.

Sa binagong liturhiya, ang nasabing mga salita na gumugunita sa simula at wakas ng tao ay pinalitan ng, “Lumayo ka sa kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo.” Sinasambit ng pari at ng mga lay minister. Layunin nito na bigyang-diin ang paanyaya sa buhay na moral ng tao kaysa makalupang wakas ng tao—ang kamatayan na itinuturing at tinatanggap na isang pandaigdigang paniniwala at katotohanan.

Ang abo sa noo ay sagisag na ang... tao ay kasama ni Kristo na namatay sa krus. Katulad din ito ng ispirituwal na tanda o markang ipinapahid ng pari sa noo ng mga Kristiyanong Katoliko kapag binibinyagan upang iligtas sa pagiging alipin ng kasalanan at ng kasamaan. At maging alagad ng kabutihan ni Kristo.

Ayon kay Saint Pope John Paul II, ang pagpapahid ng abo sa noo ay nag-aanyaya sa lahat na magnilay-nilay sa tungkulin ng pagbabalik-loob at sa paggunita sa ‘di mapigil na kabinaan ng tao na sakop ng kamatayan.

Ang Lenten Season na nagsisimula sa Ash Wednesday ay paggunita sa mga hirap, pasakit at kamatayan ni Kristo. Isa ring panawagan para sa pagbabayad-sala sa mga maling gawain. Ang diin o bigat ay hindi lamang sa pag-aayuno kundi nasa pagtulong at pagkakawanggawa na pinatitingkad ng pag-ibig sa ating kapwa. (Clemen Bautista)