SA July isisilang ni Kylie Padilla ang baby boy nila ni Aljur Abrenica. Joaquin ang gusto ni Kylie na ipangalan sa kanilang baby na magiging unang apo ni Robin Padilla.
Matatandaan na Joaquin Bordado ang unang teleserye ni Kylie sa GMA-7 na magkasama sila ng kanyang ama. Simula noon, hindi na siya nawalan ng projects sa GMA-7. Iyon kaya ang dahilan kaya Joaquin ang gusto niyang ipangalan sa anak?
Wala pang balita kay Aljur kung kailan sila magkikita ni Robin, na wala rin namang sinasabi, basta sapat na sa kanya na maligaya ang anak at tanggap niya ang mga nangyari, lalo pa nga at magkakaapo na siya. Ang bilin niya kay Kylie ay alagaan itong mabuti.
Napapanood pa paminsan-minsan si Kylie sa Encantadia, at ewan kung babalik pa siya sa epic-serye, dahil noong isang gabi ay may eksena siyang gusto niyang bumalik sa Encantadia dahil sabik na siyang makitang muli ang mag-ama niyang sina Ybrahim (Ruru Madrid) at Lira (Mikee Quintos). Makikipagsapalaran siyang makabalik sa pagkain ng prutas ng buhay. Pero may pasubali na kapag kinain niya iyon, makakalimutan niya ang lahat at kahit ang mga mahal niya sa buhay ay hindi siya makikilala.
May lumabas na bagong picture ni Kylie na iba na ang costume niya, siya pa rin ba ang magbabalik o ibang actress na ang gaganap sa bago niyang katauhan?
Patuloy pang nagdadagdag ng bagong characters ang Encantadia. Lumabas na si Eula Valdes bilang si Reyna Avria ng kaharian ng Etheria. Babalik din ang character ng batang si Pao Pao na binata na ngayon kaya gagampanan ni Phytos Ramirez. Kaya hinihintay ng Encantadiks kung babalik si Kylie sa bagong katauhan.
Matatandaan na naghahanap si Cassiopea (Solenn Heussaff) ng limang mag-aalaga sa mga brilyante na siyang magtatanggol sa Lireo. Kabilang kaya si Pao Pao at ang bagong katauhan ni Kylie? Napapanood gabi-gabi ang Encantadia pagkatapos ng 24 Oras. (Nora Calderon)