230217_Davao_4.6_quake_01 copy

Dalawang babae ang nasugatan sa pagguho ng waiting shed kasunod ng 4.2 magnitude na lindol sa Davao City, bandang 9:50 ng umaga kahapon.

Ginagamot sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang mga biktimang kinilala ni Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson Chief Insp. Catherine dela Rey bilang sina Maria Teresa Pusta, 43, may asawa, empleyado, ng Bangkal; at Fe Yu, 66, retiradong guro, taga-Buhangin, Davao City, dahil sa mga tama sa ulo.

Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic ang origin ng lindol, na ang epicenter ay sa Monte Vista, Compostela Valley at may lalim na 62 kilometro.

Ina, may open letter sa pastor dahil sa umano'y pambubully ng church members nito

Ito na ang ikalawang beses na niyanig ang Mindanao ngayong Pebrero bagamat patuloy na nakararanas ng aftershocks ang mga nabiktima ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao City, Surigao del Norte nitong Pebrero 10.

WALANG KONEKSIYON SA OARFISH

Kasabay nito, pinabulaanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangamba ng publiko tungkol sa ilang beses nang pagsulpot ng dambuhalang isda na hitsurang ahas sa mga baybayin ng Mindanao—na senyales umano ng mga pagyanig pa sa Mindanao.

Napaulat na lumutang ang oarfish sa dalampasigan ng Bgy. Masao, Butuan Bay at sa bayan ng Nasipit, parehong sa Agusan del Norte, noong Enero 19, 2017; sa bayan ng Buenavista nitong Pebrero 8; sa Tubay nitong Pebrero 13; at sa Carmen nitong Pebrero 15.

Lumabas sa mga ulat na iniuugnay ang serye ng paglabas ng oarfish sa malakas na pagyanig sa Surigao City nitong Pebrero 10.

Paliwanag naman ng BFAR, bibihirang lumitaw ang oarfish, at nangyayari lamang ito kung ang isda ay “about to die due to aging, unavailability of food, and the varying current conditions in surface shallow areas in contrast to its deeper water habitat.”

Matindi ang paniniwala ng mga Japanese na ang pagsulpot ng mga oarfish ay nagbabadya ng mga mangyayaring kalamidad, gaya ng lindol.

Ang pagsadsad ng hindi natukoy na bilang ng mga oarfish sa mga baybayin ng Japan simula Disyembre 2009 hanggang Marso 2010 ay iniugnay sa mapaminsalang lindol sa Japan na sinundan ng dambuhalang tsunami noong Marso 2011.

(FER TABOY at ELLALYN DE VERA-RUIZ)