NAGUGUNITA ko pa nang makapanayam ko sa telebisyon si dating Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) Director Raymundo Punongbayan nang usisain ang Marikina Valley Fault.

Itinuro niya sa mapa ang kabuuan ng bitak na bumabaybay sa ilang lungsod sa Metro Manila na maaaring “madisgrasya” sakaling magkaroon ng malakas na lindol. Hindi malinaw na nahagip sa kamera ang mga nasabing pook na tutumbukin ng kalamidad. Kaya kumambyo ako sa tanong na – “Pakibanggit lang sa ere kung aling mga karatig na lupain ang tatamaan upang maabisuhan sila.” Sagot ni Punongbayan, “Hindi na lang, at baka magalit ang mga land developers sa akin.

Tingnan niyo na lang sa website ng Phivolcs.” Yun na! Signos ng nagbabadyang trahedya na bagamat ‘di mahulaan ang hudyat ng kaganapan, asahan na ito’y mangyayari.

Nasaksihan na natin ang lindol sa Bohol (2013) kung paano pinadapa ang mga lumang simbahan; sa Negros Oriental (2012) na nagpaguho sa mga tulay at bundok. At ang pinakabago ay sa Surigao Norte. Nasanay na tayo masaksihan ang pagguho ng iba’t ibang istruktura gaya ng mga paaralan, poste ng kuryente, linya ng tubig at maging ang paglikas ng ilang pamilya sa evacuation centers atbp. Ang isa sa pinakamatinding trahedya ay sa Baguio (1990) na 28 gusali ang bumigay at libu-libong buhay ang inangking sukli. Sa Cebu, nagbabala sa mga Cebuano ang Office for Civil Defense at Regional Disaster Response Mitigation at Management Office na, “Hinog na raw ang lalawigan para sa lindol”. Sa Metro Manila, wika ng mga eksperto, “nakatakda na ang MM para sa malaking lindol”.

Ayon sa pag-aaral ng JICA, tinatayang 34,000 ang masasawi, 114,000 ang masusugatan, at karagdagang 18,000 ang masasawi dahil sa kabi-kabilang sunog. At 98,000 gusali ang guguho sa MM.

Ang mga lumang gusali na kadalasang may taning na 70 years, na-retrofit na ba? Gayundin ang mga sinaunang ospital, kapitolyo, paliparan atbp? Paano ang abot-langit at maninipis na mga condominium? Pansinin, alin pa ‘yung antigong gusali ng mga naunang pamahalaan, ‘yun pa ang maayos ang pagkakagawa. Ang mga bagong pagawaing bayan ay mabilis mabitak o bumagsak. Bakit? Dahil sa kaswapangan ng kasalukuyang henerasyon sa “Tongpats” sa mga proyektong gobyerno at kahit pribadong pamumuhunan!

Handa na ba ang Pamahalaan sa eksenang magaganap pagkatapos ng malakas na lindol? (Erik Espina)