TUWING may nagaganap na aksidente, unang ibinubunton ang sisi sa mga tsuper, lalo na kung iyon ay nagiging dahilan ng kamatayan ng maraming pasahero at pagkawasak ng minamaneho nilang bus o jeepney; katulad ng malagim na pagkabangga ng isang tourist bus sa Tanay, Rizal na ikinamatay ng 13 estudyante at pagkasugat ng maraming iba pa na pawang mga mag-aaral ng isang kolehiyo sa Quezon City. Bahagi sila ng mga kalahok sa isang pagsasanay ng National Student Training Program (NSTP) sa naturang lugar.
Sa pagtalakay sa naturang insidente, nais ko munang magpaabot ng mataos na pakikidalamhati sa mga biktima ng kahindik-hindik na sakuna. Kaakibat nito, maitatanong: Marapat kayang sisihin kaagad ang tsuper ng nawasak na bus, lalo na kung iisipin na siya ay kabilang din sa mga agad na namatay? Maaari rin kayang sisihin ang mga organizer ng pagsasanay, operator ng bus, ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mga tanggapan na may obligasyong tiyakin ang mabuting kalagayan o road worthiness ng mga sasakyang panlupa?
Maaaring makasarili ang aking pananaw sa nabanggit na mga pag-uusisa, subalit iisa ang aking paninindigan tuwing may nagaganap na mga sakuna: Hindi maiiwasan ang mga aksidente, mababawasan lamang ang mga ito. Ibig sabihin, ang mga ito ay tulad ng mga magnanakaw sa gabi, wika nga, na dumarating o nagaganap nang hindi natin namamalayan.
Hindi ko na hihimayin ang mga detalye sa naganap na nakakikilabot na aksidente na, tulad ng dapat asahan, mahigpit na kinondena at ipinagngitngit na kalooban ng pamilya ng mga biktima. Manapa, nais ko na lamang magbigay ng ‘ten cents worth’, wika nga, bilang isa ring tsuper. Karaniwan na paulit-ulit na ang mga tagubilin na dapat nating ikintal sa ating mga utak sa lahat ng pagkakataon.
Kabilang dito, halimbawa, ang unang pagsusuri sa kondisyon ng ating mga sasakyan, lalo na kung ang mga ito ay katulad ng aking karag-karag na kotse. Tiyakin ang langis, gasolina, brake fluid, baterya, goma, ilaw, busina, tubig bago natin patakbuhin ang ating mga sasakyan. At tiyakin natin na huwag tayong magmamaneho kung nakainom ng kahit katiting na alak; magkaroon ng sapat na tulog at pahinga upang matiyak, kahit paano, ang ating kaligtasan. Lubhang mahalaga na dapat tiyakin ng LTO at LTFRB na hindi papayagang magmaneho ang mga durog sa bawal na gamot.
Natitiyak ko na walang tsuper na gustong maaksidente o makaaksidente. Napatunayan namin ito noong Marso 4, 1964 nang bumaligtad ang sinasakyan naming dyip sa kanto ng Malabon at Alvarez sa Sta. Cruz, Maynila. Agaw-buhay ang tsuper at kaming mga pasahero ay kaagad na isinugod sa Jose Reyes Memorial Hospital – duguang lahat.
Totoo, ang aksidente ay hindi maiiwasan, mababawasan lamang. (Celo Lagmay)