MALAKAS daw ang kaso laban kay Sen. Leila De Lima, ayon kay Pangulong Digong. Ang kasong tinutukoy niya ay iyong isinampa ng Department of Justice (DoJ) sa Regional Trial Court ng Muntinlupa laban sa Senadora.
Inaakusahan si De Lima na pinamahalaan ang pagbebenta ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison noong siya pa ang DoJ secretary. Ibinasura kasi ng Court of Appeals ang kahilingan ng Senadora na mag-isyu ito ng temporary restraining order (TRO) upang pigilin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Tama si De Lima na dapat na niyang asahan na mangyayari ito sa kanya. Paano naman, ang mga testigo ng DoJ laban sa kanya ay mga presong nagsisilbi na ng kanilang sentensiya. Kaya bang tumanggi ng mga ito sa mga nais ipagawa sa kanila?
Ganito rin ang sitwasyon ng mga iba pang mga testigo na hindi pa nasentensiyahan, kaya lang mga nakakulong din. Ang lahat ng testigo laban sa Senadora ay walang laya para makapagsalita. Alam nila ang nakaambang panganib o hindi magandang mangyayari sa kanila kapag sinabi nila ang talagang nalalaman nila.
Sa isang banda, alam nila ang benepisyong mapakikinabangan nila kapag sinunod nila ang gustong ipasabi sa kanila kahit taliwas sa alam nilang talagang naganap. Katunayan nga, sa pagdinig na ginawa ng mababang kapulungan ng Kongreso, lumabas na ang ilan, kung hindi lahat, ay may nakabimbing kahilingan na sila ay ma-pardon.
Itong huli, may lumabas na memorandum galing daw kay Justice Secretary Aguirre na hinahayaan nang makagamit ng cellphone ang mga preso bilang kapalit ng pagtestigo laban kay De Lima. Nag-utos daw si Aguirre na magsagawa ng imbestigasyon upang malaman kung sino sa loob ng DoJ ang naglabas sa media ng memorandum.
Pero, ang hindi kagandahan sa nangyayari ay ang tinuran ni Pangulong Digong na malakas daw ang kaso laban sa Senadora. Ipagpalagay natin na malakas nga, hindi na dapat nagsasalita ng ganito ang Pangulo. Pinangungunahan...
na niya ang hukom na didinig sa kaso. Iniimpluwensiyahan na niya ang magiging takbo ng pagdinig.
Tingnan ninyo ang ginawa ng Court of Appeals sa petisyong isinampa dito ni De Lima, ipinagkait sa kanya ang kahilingan niyang pigilin nito ang imbestigasyon ng kasong isinampa laban sa kanya.
Sa palagay kaya ninyo, makakikilos pa nang malaya ang Court of Appeals pagkatapos na halos lahat ng mahistrado nito ay nagbigay ng courtesy call sa Pangulo sa Davao pagkatapos itong manalo.
Mahirap nating mapatino ang takbo ng justice system sa bansa kung ang dapat magtaguyod at mangalaga nito na matataas na pinuno ng bansa ay sila mismo ang sumisira.
Papayag ba kayong sa ganitong sitwasyon, paiiralin natin ang death penalty? (Ric Valmonte)