HANDA na ang lahat para sa 2017 Strawberry Festival ng Benguet na magsisimula bukas, Pebrero 20.
May temang “Sustaining the Fruits of La Trinidad’s Agro-Eco Tourism”, bibida sa pista ang presentasyon ng malaking strawberry cake na kayang pakainin ang libu-libong tao.
Inihayag ni La Trinidad Mayor Romeo Salda nitong Biyernes na mayroong 27 aktibidad na nakahanda para sa isang-buwang selebrasyon ng ika-36 na Strawberry Festival na magtatapos sa Marso 31.
Sinabi ni Salda na magsisimula ang kasiyahan sa pagbubukas ng agro-industrial fair, na ipakikita ng mga barangay ang kanilang pinakamagagandang produkto sa parking area ng Km. 5 bukas.
Sa Pebrero 23, hinihimok ang bawat indibiduwal na sumali sa mural competition sa municipal park na susundan ng Search for Strawberry Festival Hymn sa Pebrero 24.
Inatasan ang mga residente ng 16 na barangay na aktibong makibahagi sa municipal wide clean-up campaign sa Pebrero 24-25, habang itatampok ng mga litratista ang La Trinidad sa Art and Photo Lane art and photo contest sa municipal park sa kaparehong araw.
Sa karagdagan, may pagkakataon ding matikman ng mahihilig sa kape ang pinakamasarap na kape ng bayan sa Coffee Summit sa Pebrero 24-26 sa municipal gym, habang ang pagbubukas ng programa ng pista ay sa Marso 6 sa municipal gym.
Idaraos naman ang paghahanap sa pinakamalaki at pinakamatamis na strawberries sa Marso 11 sa municipal park.
Mayroon ding pre-pageant para sa Mr. and Ms. La Trinidad sa Municipal Gym sa Marso 17, na susundan ng flower arrangement contest sa municipal park.
Matutunghayan din ang civic parade simula sa Km. 6 hanggang sa municipal ground sa Marso 18, na susundan ng “Owik Tan Tayaw” at multi-cultural celebration sa gym.
Sa Marso 19, magkakaroon ng street dance, drum and lyre, at float parade mula sa Km. 6 hanggang sa municipal gym, habang sa Marso 21 naman magsisimula ang strawberry cake competition.
Magkakaroon din ng mass wedding, handog ng pamahalaang bayan, sa Marso 24 sa municipal gym, at ilulunsad din ang Cordillera film fest sa kaparehong araw sa Wangal Sports Complex.
Matatapos ang pagdiriwang sa awarding ng mga nanalo sa iba’t ibang kompetisyon sa Marso 31. (PNA)