Jean at Neil sa 'Wagas' copy

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ikaapat na anibersayo ng Wagas, bibigyang-buhay ni Jean Garcia ang isang natatanging kuwento ng pag-ibig at pamilya ngayong Sabado (Pebrero 18), 7:00 PM. Ito ang unang pagtatampok ng nasabing programa kay Jean.

 

Sa Nueva Ecija, mayroon daw inililihim ang pamilya Padua. Ang tatlo sa kanilang limang anak ay naiiba. Madalas silang kutyain na tila mga “unggoy” raw — maliliit ang ulo, hindi pangkaraniwan ang hugis ng mukha, mailap magsalita, at hindi mawari ang emosyon. Ang sabi ng ilan, sumpa raw ito. Pero napag-alaman nila na ang tawag sa kakaibang kondisyon na ito ay “Microcephaly”.

Trending

Mag-jowa naghiwalay na, na-engage na sa iba pero MRT-7 hindi pa rin daw tapos

 

Hindi naging madali para kay Krising (Jean) at Bibot (Neil Ryan Sese) na itaguyod ang kanilang pamilya. Halos isang kahig, isang tuka lamang sila sa probinsiya. Hindi rin madaling itago ang kanilang mga anak upang makaiwas sa panghuhusga ng ibang tao. Hindi lang kasi isa, kundi tatlo sa kanilang anak ang nagtataglay ng hindi pangkaraniwang kondisyon.

 

Lalo pang gumuho ang mundo ni Krising nang ma-stroke si Bibot. Mag-isa na lamang siyang nag-aalaga sa mga anak at mag-isang kumakayod para may makain ang pamilya.

 

Pero sa awa ng Diyos, nalampasan nilang mag-asawa ang mga pagsubok. Magkahawak-kamay nilang hinarap ang mga paghamon at hindi sila sumuko. Sa ngayon magkatuwang pa rin sila sa pakikibaka sa buhay sa Nueva Ecija kapiling ang kanilang mga anak — hindi alintana ang pangungutya ng kapwa dahil ang mahalaga ay buo at matatag ang kanilang pamilya.

 Panoorin ang isang madamdaming kuwento na handog ng Wagas sa pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo nito bukas sa GMA News TV.