Iniatras na ng maybahay ng negosyanteng Korean na si Jee Ick-Joo ang dalawa sa mga reklamo nito na idinulog sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa re-investigation sa kaso ni Ick-joo, nagbigay si Atty. Bryan Bantilan, abogado ni Choi Kyung Jin na asawa ni Ick-joo, ng kopya ng mga liham ng kanyang kliyente para sa mga piskal na dumidinig sa kaso.

Kasama sa mga liham ang isinumite ni Choi kina Pangulong Rodrigo Duterte, Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Bato Dela Rosa, at NBI Director Dante Gierran.

Sa liham ni Choi kay Gierran na binasa ni Bantilan, nakasaad na iniuurong na ng ginang ang kasong carnapping at robbery na idinulog nito sa tanggapan ng NBI-NCR at ng Anti-Illegal Drugs Task Force.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Nang tanungin si Bantilan kung bakit iniatras ang reklamo sa NBI, sinabi niyang ang carnapping at robbery ay isasama na sa reklamo sa AKG na isusumite sa mga prosecutor ng Department of Justice (DoJ).

Samantala, magtatalaga na ng Korean interpreter ang PNP na tatanggap sa mga tawag ng mga Korean sa hotline ng Counter Intelligence Task Force (CITF).

Ito ay iminungkahi mismo ni Dela Rosa sa pakikipag-usap sa Korean community sa Pampanga nitong Miyerkules.

(Beth Camia at Fer Taboy)