Cyclists sa peloton pass  (Jay Ganzon)

PILI, Camarines Sur – Pahabaan ng bodega ng hangin at sa labanan nang patibayan ng mga paa, nangibabaw si Jaybop Pagnanawon ng Bike Extreme sa pahirapang Stage 5 ng 2017 LBC Ronda Pilipinas kahapon na nagsimula sa Lucena City at nagtapos sa Camsur Watersports Complex dito.

Anak ng isa sa tinaguriang Tour king na si Rolando, humaribas si Pagnanawon bago pa man nakalabas ang mga kalahok sa hangganan ng Camarines Norte may 28 km. ang layo sa finish line. Sa sandaling, hinamon ang kanyang katatagan, hinigitan niya sina Daniel Ven Carino ng Philippine Navy-Standard Insurance at Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR.

Nakopo ng 28-anyos na si Pagnanawon ang panalo sa tyempong anim na oras, 58 minuto at 13 segundo para tanghaling ikalawang rider sa labas ng Navy Team na nakasungkit ng lap victory.

Mga Pagdiriwang

EXCLUSIVE: Pasukin ang ‘biggest toy and pop culture event’ sa bansa

Naorasan din si Carino, pambato ng Cebu ng parehong tyempo, habang ikatlo si Dimaano sa tyempong 6:58:13.

Higit dito, kapuri-puri ang katatagan ni Pagnanawon bunsod ng katotohanan na ang Stage Five sa layong 251 kms. ang pinakamahabang ruta sa 14-day cycling marathon.

“Hindi ko na inisip kung gaano na ang layo ko, pero kahit pagal na ang katawn ko hinatawn ko na ng todo,” pahayag ni Pagnanawon. Ang kanyang ama ay itinanghal na kampeon sa pamosong Marlboro Tour noong 1986.

Sa kabila ng panalo ni Pagnanawon, sampal naman ang katotohanan na malayo na siya sa labanan para sa individual title kung saan naghihintay ang tumataginting P1 milyon premyo.

Bunsod ng aberya sa kanyang bisikleta sa Stage Three Angeles-Subic route, nalaglag sa malayong puwesto si Pagnanawon.

“Nakakalungkot talaga, pero wala tayong magagawa. Natyempuhan ako ng aberya sa Stage Three kaya mahabang oras ang nawala sa akin. Okey lang, babawi na lang tayo sa susunod na taon ang mahalaga makapanalo pa tayo ng stage rito,” aniya.

Pumuwesyo sa ika-apat si Lord Anthony del Rosario ng Kinetix Lab-Army (6:59:11), kasunod si Elmer Navarro ng Go 4 Gold (6:59:13). Ikaanim na dumating sa finish line si Navy’s Ronald Lomotos (6:59:14) para muling mabawi ang No. 2 spot sa overall, habang bumuntot sina Kinetix Lab-Army’s Cris Joven (6:59:20) para makalundag sa No. 7 mula sa dating No. 9.

Naipit si red jersey leader Rudy Roque ng Navy sa peloton, ngunit napanatili niya ang kapit sa lideratura tangan ang kabuuang oras na 18:12:48, gahiblang 59 segundo ang layo kay Lomotos (18:13:47) at mahigit isang minuto ang diperensiya sa oras ni Carino.

Bumitaw naman si Morales sa ratratan para makainan ng oras nina Lomotos at Carino para bumaba sa No. 4 (18:15:51), may 17 segundo ang abante kay Joven, na nasa No.5.

“Okey lang, maganda pa naman ang kalagayan natin. Mahaba pa ang laban,” pahayag ni Joven, pambato ng Iriga, Camarines Sur, may 45 minuto ang layo sa finish line via road trip.

Nasa top 10 sina Go 4 Gold’s Elmer Navarro (18:17:57), RC Cola-NCR’s Leonel Dimaano (18:18:01), Go 4 Gold’s Ismael Grospe, Jr. (18:19:02), Army’s Lord Anthony del Rosario (18:19:44) at Go 4 Gold’s Jonel Carcueva (18:20:33).

Nanatili naman ang abante ng Navy sa team competition tangan ang kabuuang oras na 72:48:47, kabuntot ang Go 4 Gold (73:09:42) at Kinetix Lab-Army (18:20:33).

Magkakaroon muna ng isang araw na pahinga ngayon bago tumulak para sa 46.6-km Pili-San Jose Stage Six bukas.

Bukod sa LBC, itinataguyod ang karera ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.