ronda33 copy

Joven, sa Stage Four ng LBC Ronda; Liderato ni Roque kumikipot.

SUBIC BAY – Panandaliang tinuldukan ni Cris Joven ng Philippine Army-Kinetex Lab ang pamamayagpag ng mga karibal mula sa Navy-Standard Insurance nang angkinin ang Stage Four ng 2007 LBC Ronda Pilipinas kahapon dito.

Sa edad na 30, napalaban ng todo ang mga tuhod ni Joven at sa ratratan patungo sa finish line, nagawang maungusan si defending champion at two-stage winner Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance at Ryan Serapio ng Ilocos Sur sa Subic-to-Subic race na nagsimula sa Lighthouse Marina at nagtapos sa Harbour Square.

Trending

Lalaki, nalulong sa sugal; ipon na ₱800K, naglaho na lang parang bula

Nakatawid sa finish line si Joven sa tyempong dalawang oras, 40 minuto at anim na segundo – parehong tyempong nailista nina Morales at Serapio – ngunit , nakuha niya ang walong segundong bonus para buhayin ang pag-asa sa overall individual title na may nakalaang P1 milyon kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

"Nakita ko ‘yung tyansa eh! kaya pa naman ng mga tuhod ko kaya sinagad ko na,” pahayag ni Joven.

Wala sa hinagap ni Joven na makakasingit siya ng panalo sa 14-day cycling marathon bunsod na rin ng katotohanan na nagsimula lamang siyang magensayo nitong Enero nang sabihang mapapabilang siya sa koponan ng Army.

"Plano ko lang naman talaga pumuwesto-puwesto lang, kaya ako mismo nagulat at nakapanalo ako ng stage rito.

Concentrate kasi ako sa trabaho, nitong Enero lang ako nagbalik ensayo,” pahayag ni Joven, pumuwesto sa ikaapat sa overall dito may limang taon na ang nakalilipas.

Kabilang din si Navy's Rudy Roque sa grupong nakabuntot kay Joven na nakatawid na may parehong tyempo, sapat para mapanatili ang kapit sa ‘red jersey’ tangan ang kabuuang oras na 11:12:15.

Ngunit, gahibla na lamang ang layo ng bentahe ni Roque kay Morales, tumalon sa No.2 mula sa No.25 sa unang araw ng karera na pinagwagihan ni navyman Ronald Lomotos, tangan ang kabuuang oras na 11:13:45.

Nalaglag sa No.3 mula sa No. 2 si Lomotos (11:14:33), habang nakuha ni Serapio ang No.4 mula sa dating puwesto na No.7 (11:16:07), habang nakakuha nang malaking bonus si Joven na pumuesto sa No.9 mula sa dating kinalalagyan na No.14 (11:16:48).

Kabilang sa Top 10 sina Jay Lampawog ng Navy (11:16:12), Reynaldo Navarro ng Kinetix Lab-Army (11:16:21), Joshua Mari Bonifacio ng Go for Gold (11:16:28), Daniel Ven Carino ng Navy (11:16:35) at Ismael Grospe, Jr. ng Go for Gold (11:17:43).

Nagawang makalarga ni Morales nang pagwagihan ang Stage Two criterium sa Vigan, Ilocos Sur nitong Linggo, gayundin ang Angeles-Subic Stage Three nitong Miyerkules.

"Medyo, inasahan ko na maganda ang itatakbo ko sa huling dalawang stage dahil nakabisado ko na ruta dahil dito kami nagensayo,” sambit ni Morales, pambato ng Calumpang, Marikina.

Iginiit naman ni Roque na naghihintay lamang siya nang tamang pagkakataon para kumilos at itodo ang kampanya sa premyadong cycling race sa bansa.

"I was a marked man since I took the lead and I'm just happy to still remain on top even though they keep watching over me," pahayag ni Roque, pambato ng Tibo, Bataan.

Muling ipapahinga ng mga siklista ang mga pagal na katawan sa loob ng dalawang araw bago muling sumibat sa kalsada sa Linggo para sa Lucena-Pili Stage Five – pinakamahaba sa karera sa distansiyang 251-kms. – at tatahak sa mapaghamong Tatlong Eme sa Atimonan, Quezon.