Hindi dapat manaig ang galit o anumang emosyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdesisyon nitong itigil ang peace talks ng pamahalaan at National Democratic Front (NDF).

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, dapat maging mahinahon at mapagpasensiya ang Pangulo sa mga hinahangad nito sa peace talks.

Binigyang-diin ni Pangilinan na tumagal na ng halos kalahating siglo ang pag-aalsa ng mga komunista, at patuloy na nagpapatayan ang kapwa Pilipino.

Samantala, anim na buwan pa lamang na nakaupo sa puwesto ang Pangulo kung kayat hindi siya dapat na maging padalus-dalos sa pagdedeklara ng all out war laban sa New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng mga komunistang rebelde.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Pinayuhan ni Pangilinan ang administrasyong Duterte na maging malawak ang pananaw sa mga pagsubok at mga kinakailangan sa mga usaping pangkapayapaan, habaan pa ang pasyensiya at pang-unawa ng gobyerno sa halip na pairalin ang galit na walang ibang matatalo kundi ang sambayanang Pilipino. (Leonel M. Abasola)